Tuesday, January 02, 2007

Baby Mike: isang paa sa hukay

(Bulgar newspaper, for: january 03 issue)

NAGSISIKSIKAN ang mga aspirante sa pagkasenador sa hanay ng oposisyon.
Taliwas dito, nagsosolo si Sec. Mike Defensor sa inendorso ni Ate Glo sa senatorial slate ng administration party.
Magsasanib ang limang opposition party na pinamumunuan nina Sen. Ed Angara (LDP), Pareng Erap (PMP), Senate President Manny Villar (NP), Sen. Frank Drilon (LP faction) at Makati City Mayor Jejomar Binay (PDP-Laban).
Makakontra nito ang koalisyon ng Lakas-CMD nina ex-President Fidel Ramos at Speaker JDV; KAMPI ni Ate Glo; at Nationalist People's Coalition (NPC) ni Danding Cojuangco.
Natabunan na ng girian sa senatorial slate ang patuloy na pagtatangka ng ilang ayudante ng Malacanang na tuloy ang ChaCha.
Kapag kinunsinte ni Ate Glo ang ChaCha campaign sa gitna ng kapos-na-sa-panahong senatorial manuevers—hindi malayong pati si Sec. Defensor ay lumayas na rin sa kanyang poder.
Kapag bumaliktad si Defensor—bigla siyang magiging SUPERSTAR sa hanay ng oposisyon.
Pero kapag nanatili siyang sepsep sa Malacanang, hindi malayong mahawa at mabokya ang kanyang batambatang political career.
Kailangang magdesisyon si Defensor nang isang BOLDYAK—nakataya dito ang kanyang kapalaran sa hinaharap.
Maaaring bilyones ang kanyang kayamanan, pero may kabuluhan ba ito kung siya ay magiging isang TALUNANG POLITIKO sa gitna ng kanyang kasibulan?
------30----

0 Comments:

Post a Comment

<< Home