Wednesday, January 03, 2007

Pagkain, hindi bala

(Bulgar newspaper, january 4 issue)

head:


UMATRAS na si Sen. Ping Lacson bilang kandidatong mayor sa Lungsod ng Maynila—Kapitolyo ng Pilipinas.

Dahil dito, lumuwag na ang labanan kung saan nananatiling aspirante pa rin sina Manila Vice Mayor Danny Lacuna; Sen. Alfredo Lim, Ali Atienza at Rep. Joey Hizon at ex-Manila Rep. Mark Jimenez.

Nakapokus ang mata ng publiko sa Maynila kasi'y ito ang pinakasentro ng ating bansa kung saan popular din ito sa buong mundo.

Mainam ang ginamit na katwiran ni Lacson na natatakot siyang ma-disqualified dahil hindi siya aktuwal na residente ng Maynila—at hindi niya pinakinggan ang payo ng kanyang mga advisers na sumabak sa Maynila.

Agad naman hinugot siya ni Pareng Erap bilang isa sa 12 kandidatong senador ng oposisyon.

Kumpara sa Abra, higit na mabuti ang girian sa Maynila dahil hindi dumadanak ang dugo.

Taliwas sa serye ng patayan sa Abra, nagkukumpitensiya ang mga kandidatong meyor sa Maynila sa pagkuha atensiyon ng mga botante sa higit na makabuluhan aktibidad.

Pinakahuling diskarte dito ay ang pamumudmod ng 250,000 pakete ng regalong pagkain sa mga residente ng Maynila sa binansagang Largest Christmas Party na inihandog naman ni Jimenez na kinabibilangan ng libreng yumburgers, peach mango pies at juice drinks.

Upang ipakitang seryoso, nagregalo rin ng Holy Water at Holy Rosary ang grupo ni Jimenez sa ilalim ng proyektong “Hulog ng Langit”.

Mas mainam sana ay umakto ring mga “Hulog ng Langit” ang mga magkakatunggaling politiko sa lalawigan ng Abra.

Imbes na bala ng matataas na kalibre ng baril ang iregalo sa mga botante at kalaban sa eleksiyon, ay bigyan ng pagkain ang mga mamamayan sa lalawigang itinuturing na isa sa pinakanagdarahop na lugar sa Pilipinas.

Imbes na serye ng ambush at pagpatay, maging popular sana ang Abra sa husay at pagiging pilantropo ng kanilang mga kandidato.

Ipagdasal nating manatiling tahimik at payapa ang kampanyahan hindi lamang sa Maynila at Abra kundi maging sa buong bansa.

--------30----




0 Comments:

Post a Comment

<< Home