Sunday, January 29, 2012

PDEA IS NOT THE HERO

PDEA IS NOT THE HERO

(EDITORIAL, Bulgar Newspaper, Jan. 12, 2012 issues, unedited)
MARAMI ang pumuri sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang salakayin sa magkasunod na pagkakataon ang dalawang malalaking bahay na ginagawang shabu laboratory sa Ayala- Alabang Village.
Pero, hindi inilutang ang maselang papel na ginampanan ng mismong mga residente at mga opisyal ng barangay at samahan ng mga nakatira ditto kung saan itinuring na “confidential” upang pangalagaan ang kanilang seguridad sa resbak ng mga drug lords.
Makaraan ang ilang lingo, inamin na ng Barangay Ayala Alabang (BAA) at Ayala Alabang Village Association (AAVA) na sila mismo ang masusing nagmanman sa kaduda-dudang pagkilos ng mga naturang dayuhan sa kanilang bisinidad bago sila nagsuplong at nakipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Ibinunyag ni BAA Chairman Alfred Burgos Jr na mula pa noong Agosto , 2011 nagsimula ang kanilang masusing pagtiktik at pagmamanman sa ilang bahay na pinarerentahan sa mga dayuhan.
Nang makaipon sila ng sapat na datos at impormasyon, nakipag-ugnayan ang mga opisyal ng BAA at AAVA sa PDEA upang magsagawa ng actual surveillance noong Disyembre 2011.
Ayon kay AAVA President Dr. Leandro de Leon , noong Enero 6, 2012, mula sa magkakasanib na puwersa ng BAA, AAVA security personnel at pulisya, sinalakay ang isang bahay sa Acacia Avenue kung saan natagpuan ang shabu laboratory kung saan nadakip ang mga suspek.
Kasunod nito, noong Enero 13, sinalakay din ng mga awtoridad ang Kanlaon St kung saan nagsuspetsa rin ang BAA at AAVA officers na may koneksiyon ito sa naunang shabu laboratory kung saan ay nabisto ang ikalawang pagawaan ng illegal drugs.
Kinumpirma ni PDEA-NCR Director Gen. Pedrito Magsino na hindi mabibisto at hindi rin magtatagumpay kung hindi nagkusang nagbantay at nakipagtulungan ang mga residente na siyang unang nagduda sa pagkilos ng mga suspek.
Kung ang lahat lamang ng barangay officials at residente ay buong tapang na magboboluntaryong ituro sa PDEA ang mga kapitbahay nilang adik at pusher ay madaling maaresto ang mga DUMADAYONG DRUG TRAFFICKER sa halos lahat ng 43,000 barangay sa buong bansa.
Sana’y hindi matapos sa Ayala-Alabang ang pagtutulungan ng mga lider mamamayan at awtoridad sa pagsugpo sa pesteng ipinagbabawal na gamut.
(CC: bistado.blogspot.com/ bistado.blogdrive.com/ cybertimes.blogdrive.com /editorsdiary.blogspot.com)
----30----

0 Comments:

Post a Comment

<< Home