Tuesday, May 23, 2006

Putatsing

(for Bulgar editorial, May 25 issue)

PANAHON na ng enrollment sa mga eskuwelahan.
Marami nang magulang ang hindi magkandatuto kung saan kukuha o mangungutang ng pang-matrikula ng mga anak at bahala na kung saan magdedelihensiya ng pang-araw-araw na gastusin ang mga magtatagumpay na maging estudyante.
Sa sobrang hirap ng buhay, inaasahang darami ang mga estudyante sa kolehiyo ang pikit-matang magbebenta ng aliw upang makapagpatuloy pag-aaral.
Sa gitna ng krisis, tumitindi ang prostitusyon.
Iyan din ngayon ang nagaganap sa Singapore.
May mga ulat na napupuwersa nang mag-side line ang ilang domestic helpers sa naturang bansa bilang prostitutes upang makapagpadala ng pera sa mga naiiwanang pamilya sa Pilipinas.
Ang inire-remit na pera sa Pilipinas ay ginagamit din upang matustusan ang malaking halaga na kailangan sa edukasyon ng kanilang mga anak.
Sa ngayon, walang malinaw na solusyon ang gobyerno kung paano masusugpo ang prostitusyon.
Kakambal kasi nito ang krisis sa ekonomiya.
Malayong-malayo ang isyu ng ChaCha sa nakasusulasok na problema ng pagbebenta ng “laman” upang makaahon sa hirap ang mga Pinoy.
Kuwarta at trabaho ang kailangan ni Juan—hindi ChaCha.
---30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home