Thursday, October 25, 2012

GRABE BA ANG SAKIT NI PNOY?


KINUMPIRMA ng Malacanang na may sakit si PNoy.
Ano ang ibig sabihin nito?
Hindi na NAG-IISA si Ate Glo.
Pareho na silang MAYSAKIT ngayon.

----$$$--
IKINATWIRAN ng mga tagapagsalita ng Malacanang na “hindi seryoso” o hindi isang grabeng sakit ang nararanasan ni PNoy.
Hindi ba ninyo natatandaan, na GANYAN-NA-GANYAN din ang katwiran ng tagapagsalita rin ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo tuwing magkakasakit nang panahon hawak niya ang poder?
Talagang PAREHONG-PAREHO sila.

-----$$$--
MAY bumubulong sa likuran.
Hindi kaya naka-KARMA si PNoy dahil sa pang-iinsulto sa “maysakit” niyang karibal sa politika?
Mahirap sagutin yan.

----$$$--
MAS mainam ay seryosong suriin natin ang sitwasyon imbes na sagutin ang naturang maselang tanong.
Dapat nating maunawaan na ang mga “nararamdaman” HINDI GRABENG SAKIT—ay maaring ituring na SINTOMAS ng mas malalang sakit na hindi pa “natutuklasan”.
Kumbaga, yung itinatagong “sakit ni Ate Glo” noon—ay napatunayan nating SERYOSONG sakit ngayon.
Ibig sabihin, walang makapagsasabing “malusog si PNoy” hanggang hindi siya isinasailalim sa isang masinsinang EXECUTIVE CHECKUP.

-----$$$--
SA totoo lang, ganyan din ang sitwasyon dati ni dating Pangulong Marcos, hindi rin ibinubunyag ang “seryosong sakit” at ipinagkikibit-balikat ang mga SINTOMAS.
Nang lumaon,  nakumpirmang “grabe” ang sakit ni dating Pangulong Marcos.
Sina Marcos, CGMA at PNoy—ay iisa lang ang sitwasyon.
Kahit may grabeng sakit, hindi maaring IKUMPIRMA o ibunyag ang sitwasyon.
Bakit?
Iisa lang ang paliwanag: Isa itong NATIONAL SECURITY CONCERN na dapat nating maunawaan.

-----$$$---
MAY maselang tanong.
Sino ang mas malusog ang katawan habang nakaupo sa Malacanang kina Marcos, Arroyo at PNoy?
Si Marcos ay isang bodybuilder at  may athletic built, pero tinamaan pa ng LUPUS.
Si Ate Glo ay anak-mayaman at walang BISYO—pero nabali ang LEEG.
Pero si PNoy—ay chain smoker at binatang WALANG MAG-AALAGANG ASAWA at  MAGULANG.
Kayo na ang humatol kung sino ang MAS MALUSOG!!!

-----$$$--
ANO ba talaga ang kumpirmadong nararamdamang sakit ni PNoy batay na rin sa pag-amin ng kanyang mga ayudante?
Una, may BRACE ang kanyang braso.
Inaamin at kinumpirma yan ng Malacanang.
Ikinatwiran na ang PANANAKIT o PILAY sa braso ay simpleng SANHI sa sobrang dami ng mga PINIPIRMAHANG DOKUMENTO.
Sa dinami-rami ng naging PANGULO ng mga bansa sa buong daigdig—bakit si PNoy lang ang nag-LAGAY ng BRACE?

-----$$$---
IKALAWA, kinumpirma na SUMAKIT ang tiyan ni PNoy habang nasa Australia at New South Wales.
Sa sobrang sakit, hindi siya nakadalo sa MASELANG okasyon pero naunawaan siya ng mga DIGNITARIES.
Kung simpleng sakit ng tiyan ang kanyang naranasan---alam ng kahit sinong doktor na  ang simpleng gamot dito ay “OMEPRAZOLE”.
Pwede siyang uminom ng generic na PROTONIX, pero ang pinakamabisa ay 40 mg ng NEXIUM.
Kapag ininom niya yan, WALANG DUDA—tanggal ang pananakit ng sikmura.
Dapat ay nakadalo siya sa MAHALAGANG OKASYON sa isang “maselang diplomatic meeting”.

-----$$$---
BATAY sa mga eksperto at  kahit i-GOOGLE ninyo,  lumalabas ang sintomas ng mga sakit—sa iisang simpleng dahilan—MAHINA ANG IMMUNE SYSTEM.
Ibig sabihin, sa inisyal na diagnosis, walang duda na MAHINA ang immune system ni PNoy.
Kapag mahina ang immune system, sasamantalahin  ito ng mga VIRUS at BACTERIA.
Diyan lilitaw, hindi ang TUNAY na sakit na karaniwang nakatago, kundi ang mga SINTOMAS lamang na karaniwang DINEDEDMA lang.

----$$$--
BAKIT humihina ang immune system?
Isang mahalagang tanong ito na dapat maunawaan ng ordinaryong tao ang sagot.
UNA, mahina ang immune system dahil maaaring PUWERSADO ito dahil mismo sa grabeng sakit. Ibig sabihin, dinadaig o tinatalo siya ng mismong mababagsik na virus at bacteria.

----$$$---
IKALAWA, humihina ang immune system, dahil sa mga pagpupuyat, matinding pagod, malnutrisyon, kakapusang pag-inom ng malinis na tubig, at kawalan ng exercise.
Simple lang yan, pero maraming nagkakasakit dahil diyan.

----$$$---
IKATLO, dispalinghado ang immune system dahil na rin sa masasamang bisyo—tulad ng pagka-adik sa sigarilyo, sobrang pag-inom ng alak o paggamit ng iba’t ibang klase ng DROGA.
Napatunayang totoo yan, batas mismo sa press release ng mga nagsusulong ng SIN TAX bill.

-----$$$--
IKAAPAT,  isa sa matinding dahilan ng paghina ng immune system ay ang tension, stress o pressure—sa isip, emosyon at kaluluwa.
Napupuwersa ang isip kapag maraming nilulutas na problema o palaisipan o sitwasyon—partikular ang mga  ehekutibo o boss sa isang opisina, pero mas grabe kung ikaw ang PANGULO ng bansa.
Napupuwersa ang emosyon, dahil sa matagal nang naranasang TRAUMA na natatakot maulit muli; kawalan ng karelasyon o damdamin bilang isang NAGMAMAHAL o MINAMAHAL; sobrang pagkamuhi sa kapwa, matinding galit o balak na paghihiganti; at maaari ring pagdududa sa mga kasama o mismo sa “sariling personalidad” at paghihinagpis nang walang dahilan.
Napupuwersa ang kaluluwa o ispiritwalidad sa kababawan ng PANANAMPALATAYA mismo sa kinaaanibang sekta o relihiyon; kababawan sa pag-unawa kung ano ang kanyang relasyon sa kanyang Diyos at pagdududa mismo kung ano ang depinisyon ng Diyos; pero ang pinakamabigat—napupuwersa ang kaluluwa—dahil sa serye ng pagkakamali kung saan napahamak ang kapwa tao o isang KASALANANG MORTAL na hindi niya naikumpisal.

----$$$--
IKALIMA, mahina ang immune system dahil sa genetics o GENES.
Ibig sabihin, likas na mahina ang immune system dahil mahina rin ang immune system ng kanyang mga ninuno o ang tinatawag na HEREDITY.

----$$$--
TINALAKAY natin ito, hindi upang ilihis o bigyan ng ibang pakahulugan ang NARARAMDAMANG sakit ni PNoy, bagkus ay upang mabigyan natin ang ating MAMBABASA kung paano natin UUNAWAIN ang ating mga lider.
Sa masususing pagsusuri sa ating  binanggit sa itaas, mauunawaan din natin ang ating SARILI at ang ating kapwa KUNG BAKIT nagkakasakit.
Kung may iba kayong tanong tungkol sa sakit ni PNoy—kung ito ba ay sanhi lamang ng pagod o sintomas ng MAS GRABENG sakit, kayo na lang ang sumagot—batay sa pagtalakay natin sa itaas.
(BISTADO column ni Ka Ambo, Bulgar newspaper, Oct. 26, 2012 issue. UNEDITED. CC: bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ bistadoniambo on twitter/ 09173525272)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home