Wednesday, October 03, 2012

RA 10175:PAHAMAK SA NETIZENS


TULAD sa kalakaran sa facebook, pinaglalaruan ngayon ng mga Pinoy netizens ang Cybercrime Prevention Act na nagsimulang umiral kahapon.
Binababoy ngayon mismo ang naturang batas, yinuyurakan, iniinsulto at pinagtatawanan bilang isang basurang batas na isinusupalpal sa mga mamamayan ng modernong  henerasyon.
May nagmumura, may nagpo-post ng hubo’t hubad, at may naghahamon na idemanda sila ng libelo ng mga awtor ng naturang batas.
Malinaw na hindi epektibo ang naturang batas sapagkat pinagtatawanan lamang ito at dinededma lamang ng mga tunay na nakakaunawa ng batas –partikular sa batas sa libelo.
Anumang krimen ay dapat unang sinusuri kung ano ang intensiyon, motibo o malisya ng suspek o akusado.
Kapag walang maipapakitang ebidensiya na may motibo, may malisya o may masamang intensiyon ang isang suspek o inaakusahan, awtomatikong walang krimen na naganap.
Yan ang batayan sa pagsasampa ng kaso—may internet man o wala.
Ang problema sa Pilipinas, ang lahat ng mamamayan ay may karapatang magsampa ng kaso—may merito man o wala.
Ibig sabihin, walang batas na sasagka sa karapatan ng indibidwal na magsampa ng kaso o simpleng reklamo sa piskalya—kahit WALANG SAPAT NA EBIDENSIYA.
Iyan ang dahilan kung bakit NANGANGANIB ang mga netizens na idemanda o ireklamo sila kahit walang sapat na ebidensiya—gamit lamang ang simpleng “post” sa internet.
Sa bandang huli, ay tiyak namang maabsuelto o madi-dismiss ang kaso o reklamo sa piskalya , pero nai-HARASS na ang netizen, naperhuwisyo na ang internet users—at ang NAMERHUWISYO o ang nang-HARASSED ay hindi hinahatulan ng danyos-perhuwisyo.
Sa ibang bansa, tulad sa Britain, kapag ang indibidwal ay nagreklamo nang walang merito at na-dismiss ang kasong kanyang naisampa, PAPASANIN niya ang LAHAT ng gastos sa korte at gastos ng abogado ng kanyang idinemanda.
Sa Pilipinas ay walang ganyang KALAKARAN—kaya’t delikado ang bagong R.A. 10175—aabusuhin ito at gagamiting pang-HARASS o panggipit o pananakot sa mga NETIZENS.
Ganyan lang kasimple ang problema.
Maunawaan sana ito ng lahat.
EDITORIAL  ni Ka Ambo column, Bulgar Newspaper, Oct. 04, 2012 issue,UNEDITED. CC. bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ bistadoniambo on twitter/ 09173525272.)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home