Saturday, October 06, 2012

ST. THERESE: HIMALA SA BULAKLAK


KAPIYESTAHAN ngayon ni St. Therese of the Child Jesus.
Siya ang patron ng mga paslit.
Isa siyang PASLIT na naging SANTA.
Siya ang pinakahuling nabuhay na Santa sa ating panahon.
Kilala si St. Therese sa pagsasaboy ng bulaklak bilang pagpapadama na narinig niya ang iyong DASAL.

----$$$--
MASUWERTENG  nakapanirahan ang inyong abang-lingkod sa dating housing site ng Philippine Air Force sa Brgy. Villamor Air Base, Pasay City dahil tagarito ang naging maybahay ko.
Ipinagdiriwang ngayon ang KAPISTAHAN ni St. Therese na ginaganap tuwing unang linggo ng Oktubre, nagkataon  naman na kaarawan aking misis kahapon, Oktubre 6 kung saan itinuturing kong PINAGTIYAP ng pagkakataon.
Isa rin ito sa itinuturing na milagro sa aking buhay.

-----$$$--
LINGID sa kaalaman ng marami, tuwing magagawi o mapupunta ako sa ibang lugar na malayo sa aming tahanan sa Balagtas, Bulacan—ang una kong regular na pinupuntahan ay ang Simbahang Katoliko.
Mahigit nang limang taong ginawa ang St. Therese Church sa Villamor, mas kilala ngayon bilang World Resort area o New Port City kung saan makikita ang pinakamagarbong CASINO sa buong Pilipinas,  ala-Las Vegas.
Dito lang din matatagpuan ang mahigit limang 5-Star hotel kabilang ang world famous na Marriot Hotel at gusa-gusaling world class condominiums.
Mula sa aming bahay sa “baryo ng Villamor” ay araw-araw kong nilalakad ang naturang lugar sa tapat ng NAIA Terminal 3.
Ngayong buwan ng Oktubre na buwan ng Banal na Rosaryo, higit na makabuluhan ang aktibidad sa naturang lugar dahil sumasabay ang kapiyestahan ni St. Therese of Lycea, France.
At sa personal kong buhay, kasabay din ang kaarawan ng aking maybahay!!

-----$$$--
ISANG  hindi nating malilimutang karanasan ay naganap, halos limang  na taon ang nakararaan.
Wala tayong matatag na hanapbuhay noon at bagong lipat ng tirahan kung saan dumaranas ng pinakamatinding pagsubok sa buhay.
Hindi ko alam noon kung kailan matatapos ang personal na problema na hindi ipinagtatapat sa  aking maybahay at lalo na sa  anak kong may tatlong-taong gulang lamang.
Kasalukuyang pang ginagawa noon ang malalaking gusali dito at maging ang kalye at ang simbahan ng St. Therese ay hindi pa nakokompleto.
Magpa-Pasko noon, tuwing umaga akong nagsisimba.
Tulad sa ordinaryong deboto, nag-aantay ako ng senyales kung naririnig ba o hindi ang aking dasal sa ITAAS.
Ang alam ko noon, kapag narinig at may senyas na matutupad ang iyong KAHILINGAN—batay sa kuwento, mag-PAPADALA SA IYO NG SARIWANG BULAKLAK si St. Therese--- makakatanggap ka o may magbibigay sa iyo ng white flower.
Malapit nang matapos noon ang taon, at bilang na ang araw sa Disyembre, pero wala akong natatanggap na PAHIWATIG mula kay St. Therese.
Huling pag-asa ko na lamang noon ay ang SIMBANG GABI.
Sinisikap kong gisingin ang misis ko at ang aking unico-hijo sa madaling araw upang makompleto  ang pinakabanal at pinakapopular na NOVENA sa Simbahang Katoliko.
Nakaka-anim na araw na kami ng Simbang Gabi, iisa lang noon ang aking hinihiling—bigyan ako ng senyas na MARERESOLBA at matutupad ang aking dasal—iyan ay makatanggap ako ng bulaklak.
Hindi ko alam noon kung paano ako makakatanggap ng aktuwal at sariwang bulaklak, pero bagaman may konting duda, ipinagpatuloy ko ang pagsisimba.
Huling misa na sa madaling araw noon ng MISA DE GALLO—hindi ko pinahalata sa misis ko ang aking lungkot, kasi’y wala akong natanggap na sariwang BULAKLAK.
Pero, sa bisperas ng PASKO kinagabihan, dumalo pa rin kami sa BANAL NA MISA sa Noche Buena bandang 11:30 ng gabi bilang pagsalubong sa kaarawan ng Dakilang Lumikha.
Iisa pa rin ang dasal ko, magparamdam si St. Therese ng kanyang SENYAS na naririnig niya ang aking dasal.
Ilang minuto bago matapos ang Banal na misa sa Kapaskuhan, dakong 12:18 ng madaling araw,  lumapit ang aking unico-hijo na si Rainier na noon ay 3-anyos lamang.
“Daddy, daddy, Merry X’Mas, eto ang gift ko sa iyo,” patakbo na lumapit sa akin ang aking anak sabay abot ng “punpon ng mumunting bulaklak na kulay busilak”.
“Sa iyo na lang po itong flower, para sa iyo yan, pinitas ko po sa tabing bakod ng simbahan”.
Naluha ako!!!
Naramdaman kong bigla--- na may katapusan ang aking problema.
Noon at hanggang ngayon, natitiyak kong  naghihimala si St. Therese!!!
Happy Fiesta po sa mga deboto!.
(BISTADO ni Ka Ambo column, Bulgar newspaper, Oct. 07, 2012 issue, UNEDITED. CC. bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09173525272/ bistadoniambo on twitter)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home