Saturday, October 06, 2012

P101B NAKAW: TUWID NA DAAN NI "LORD"


NASORPRESA  mismo ang Malacanang sa ulat mismo ng Commisison on Audit (CoA) na aabot sa P101 bilyon ang nalustay sa mga kaduda-dudang transaksiyon sa taong 2011---sa panahon ng “Tuwid na Daan” ni PNoy.
Isang ebidensiya ito na  hindi nagmula sa mga kritiko ni PNoy bagkus ay nagmula sa isang constitutional body na natokahan ng Konstitusyon na magbantay sa  katiwalian.
Pero, imbes na iutos ng Malacanang ang malawakang imbestigasyon at atasan ang CoA na ilatag ang ebidensiya at kasuhan ang mga nasasangkot, nagdepensa lamang ang Palasyo.
Hindi naman masama na mabunyag na may katiwalian sa gobyerno—sapagkat lahat naman ng  pamahalaan sa buong daigdig ay talagang yan din ang problema.
Ang masama ay pagtakpan ito , itago at itatwa gayung isa itong realidad sa isang demokratikong gobyerno tulad sa Pilipinas.
Ang dapat ay tiyakin, tukuyin at aminin na may katiwalian—upang maresolba ito, mapigil, mabawasan at masolusyunan.
Kapag hindi tinatanggap ng Malacanang na may katiwalian, may kabulastugan at may pagnanakaw sa ilalim ng Tuwid na Daan—iyan ang NAPAKASAMA.
Kumpirmasyon ito ng pagiging IPOKRITO at panloloko sa taumbayan.
Taliwas din ito sa ipinangangalandakan na TRANSPARENCY at ACCOUNTABILITY na pinasikat ng yumaong si DILG Sec. Jesse Robredo.
Gusto bang palabasin ng Malacanang na “walang katiwalian” sa ilalim ng Administrasyong Aquino?
Isang kahangalan yan!
Ang katiwalain ay kakambal ng pagiging tao.
Kung ikaw ay namumuno sa kalipunan ng mga tao—asahan mo ang katiwalian. Hindi ito napipigil, pero dapat na iutos ang pagdidisiplina at pagpaparusa.
Pero, kung ikaw ay namumuno sa kalipunan ng mga ANGHEL—pwede mong sabihin na WALANG KATIWALIAN.
Kwidaw, dapat nating maunawan na si Lucifer a.k.a. Satanas , a,k.a. “Demonyo”—ay isa ring “anghel”.
Ibig sabihin, maging ang “anghel” ay nagkakasala rin.
Sino ngayon  si PNoy o ang Malacanang para magsabing: “Walang katiwalian” sa kanyang nasasakupan?
Siya ba o kayo ba ay Diyos?
Kayo ba si Lord?
Tiyak na pagtatawanan lang  tayo ng  mga gambling lord at mga drug lord!!
(EDITORIAL  ni Ka Ambo column, Bulgar newspaper, Oct. 07, 2012 issue, UNEDITED. CC. bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09173525272/ bistadoniambo on twitter)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home