Wednesday, October 03, 2012

R.A. 10175: BINABOY-BABOY, PERO SIMPLE LANG


NAPIKON na ang Malacanang sa mga nagbabansag na nasa ilalim ngayon ang Pilipinas ng Cyber Martial Law.
Iniutos ngayon ni PNoy sa DOJ na rebyuhin ang mga probisyon sa naturang batas.
Malaki po ang TAMA ninyo dyan.

-----$$$--
ISA tayo sa naaawa sa katayuan ni PNoy.
Ang kanya kasing desisyon ay mailalarawan bilang “sala-sa-init, sala-sa-lamig”.
Ibig sabihin, lagi siyang “tumitimbang” o nag-a-akrobat sa pagdedesisyon.
Marami kasi ang naniniwala na “hindi” si PNoy ang “nagdedesisyon” sa ilang mga batas o direktiba na kanyang NILALAGDAAN.
At isa dito ay ang kontrobersiyal na Cybercrime Prevention Act o RA 10175.
Naiipit ngayon si PNoy at hindi niya malaman kung sino ang sisihin sa kanyang mga taga-SULSOL.

-----$$$---
HALATADONG madaling maimpluwensiyahan si PNoy.
Imbes na siya ang mag-DIKTA o mang-IMPLUWENSIYA—siya ang nadidiktahan at naiimpluwensiyahan.
Iyan ang dahilan kung bakit, nagkakaaberya ang kanyang mga “desisyon”.

---$$$--
ISANG  itinuturong malakas na power block na umiimpluwensiya kay PNoy ay ang mismong LIBERAL PARTY.
Matagal na nating iniuulit-ulit dito na hindi ang Liberal Party lamang ang nag-luklok kay PNoy, pero nakapagtatakang nagpapaimpluwensiya siya dito.
Dapat na maunawaan ni PNoy na naka-SAMA lamang niya ang LP nang gumewang-gewang ang “resulta” ng presidential survey noong 2010 kung saan nangulelat noon si dating Senador Mar Roxas laban sa iba pang aspirante na sina  Vice President Noli de Castro, Sen. Manny Villar at dating Presidente Joseph Estrada.
Nang yumaong bigla  si Tita Cory, biglang HUMUGOS ang botante kay PNoy at lalong natabunan ang popularidad ni Roxas.
No choice ito kundi ang ilipat ang BANDERA kay PNoy.
Inilipat ni Roxas  ang TIMON—hindi dahil kursunada nila si PNoy kundi dahil “NO-CHOICE” ang Liberal Party kundi SUNDIN ang HUGOS ng ordinaryong tao na nagtutulak sa kandidatura ng anak ni Tita Cory at Sen. Ninoy.
Ibinoto ng taumbayan si PNoy hindi dahil sa LP, bagkus ay sinuportahan siya dahil naniniwala silang may SARILI siyang desisyon at may INDEPENDENT MIND.

-----$$$---
NANATILING popular si PNoy, batay sa pinakahuling survey , hindi dahil sa Liberal Party, bagkus ay dahil sa naniniwala silang may KAKAYAHANG siyang magdesisyon at hindi nagpapaimpluwensiya sa kanginuman.
Ang PERSONAL na desisyon ni PNoy ang nagugustuhan ng tao—at hindi kailanman ang desisyon ng kanyang partido.
Ngayon lumabas ang senatorial ticket ng ruling party, kitang-kita dito na HINDI ito desisyon ni PNoy bagkus ay naimpluwensiyahan siya ng mga SULSOL.
Yung mga taong binabatikos nila mismo ay kasama nila ngayon sa TIKET.
Ibig sabihin, hindi ito nakakabuti sa personalidad ni PNoy.
Hangga’t maaari ay dapat na SUNDIN lamang ni PNoy ang kanyang INSTINCT .
Kung ano sa paniniwala niya ang makakabuti sa gobyerno at sa bansa—ay dapat niyang ipatupad nang hindi naiimpluwensihan ng mga may VESTED INTEREST.
Sa totoo lang, kung ipapamalas o ipaparamdam lang ni PNoy sa taumbayan na siya ay may KAKAYAHANG MAGDESISYON nang nag-iisa o may SARILING DISPOSISYON—lalo siyang mapapamahal sa taumbayan.
Marami pang mahahalagang desisyon na nag-aantay kay PNoy.
Isa sa pinakaaabangan ngayon ay kung sino ang kanyang ipapalit sa magreretirong si PNP Chief Nicanor Bartolome.
Sa pagpili ng bagong PNP chief, dapat ay gamitin ni PNoy  ang SARILI niyang DISPOSISYON.
Mahalaga ang puwesto sa PNP, hindi dapat pumayag si PNoy na maimpluwensiyahan siya ng kanyang partido—dahil maaaring mapahamak siya o mapahamak ang buong bansa.
(BISTADO ni Ka Ambo column, Bulgar Newspaper, Oct. 04, 2012 issue,UNEDITED. CC. bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ bistadoniambo on twitter/ 09173525272.)
----30---



Editorial


Head:

TULAD sa kalakaran sa facebook, pinaglalaruan ngayon ng mga Pinoy netizens ang Cybercrime Prevention Act na nagsimulang umiral kahapon.
Binababoy ngayon mismo ang naturang batas, yinuyurakan, iniinsulto at pinagtatawanan bilang isang basurang batas na isinusupalpal sa mga mamamayan ng modernong  henerasyon.
May nagmumura, may nagpo-post ng hubo’t hubad, at may naghahamon na idemanda sila ng libelo ng mga awtor ng naturang batas.
Malinaw na hindi epektibo ang naturang batas sapagkat pinagtatawanan lamang ito at dinededma lamang ng mga tunay na nakakaunawa ng batas –partikular sa batas sa libelo.
Anumang krimen ay dapat unang sinusuri kung ano ang intensiyon, motibo o malisya ng suspek o akusado.
Kapag walang maipapakitang ebidensiya na may motibo, may malisya o may masamang intensiyon ang isang suspek o inaakusahan, awtomatikong walang krimen na naganap.
Yan ang batayan sa pagsasampa ng kaso—may internet man o wala.
Ang problema sa Pilipinas, ang lahat ng mamamayan ay may karapatang magsampa ng kaso—may merito man o wala.
Ibig sabihin, walang batas na sasagka sa karapatan ng indibidwal na magsampa ng kaso o simpleng reklamo sa piskalya—kahit WALANG SAPAT NA EBIDENSIYA.
Iyan ang dahilan kung bakit NANGANGANIB ang mga netizens na idemanda o ireklamo sila kahit walang sapat na ebidensiya—gamit lamang ang simpleng “post” sa internet.
Sa bandang huli, ay tiyak namang maabsuelto o madi-dismiss ang kaso o reklamo sa piskalya , pero nai-HARASS na ang netizen, naperhuwisyo na ang internet users—at ang NAMERHUWISYO o ang nang-HARASSED ay hindi hinahatulan ng danyos-perhuwisyo.
Sa ibang bansa, tulad sa Britain, kapag ang indibidwal ay nagreklamo nang walang merito at na-dismiss ang kasong kanyang naisampa, PAPASANIN niya ang LAHAT ng gastos sa korte at gastos ng abogado ng kanyang idinemanda.
Sa Pilipinas ay walang ganyang KALAKARAN—kaya’t delikado ang bagong R.A. 10175—aabusuhin ito at gagamiting pang-HARASS o panggipit o pananakot sa mga NETIZENS.
Ganyan lang kasimple ang problema.
Maunawaan sana ito ng lahat.
EDITORIAL  ni Ka Ambo column, Bulgar Newspaper, Oct. 04, 2012 issue,UNEDITED. CC. bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ bistadoniambo on twitter/ 09173525272.)

----30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home