Wednesday, September 14, 2005

parang boksing

editorial (15Sep05)

MASELAN ang isyu hinggil sa pagkakaaresto kay ex-PAOCTF officer Michael Ray Aquino na inakusahan nage-espiya at nagnakaw ng mga intelligence information mula sa United States. Idinadawit sa kaso si Sen. Ping Lacson na nagpahayag namang maaaring palakihin ang isyu upang sirain ang kanyang reputasyon. Marami ang nasorpresa sa naturang ulat kasi’y isang malaking dagok ito sa hanay ng oposisyon pero isang "biyaya naman ito ng langit" para kay Ate Glo kung saan umiinit naman ang disgusto ng military factions sa loob ng AFP dahil sa mga kaduda-dudang pagtatalaga ng mga commander.
Kay buwenas naman ni Ate Glo! Iyan ang karaniwang bulalas ng mga ordinaryong Pinoy na nagmamasid dahil sa kabila ng hindi matapos-tapos na kabulastugan sa kanyang administrasyon ay nananatiling matatag pa rin ang pundasyon ng liderato sa gobyerno. Kumbaga sa boxing, kahit tadtad na siya ng tama sa mukha at bodega, hindi pa rin siya tumutuwad sa lona—at nananatiling nakapagpapakawala ng jabs at counterpunch.
Ang oposisyon naman ay nagmukhang amateur sa ibabaw ng lona kasi’y hindi mapabagsak ang isang bugbog-saradong kalaban. Anu’t anuman, hinihintay pa rin ng marami kung ano ang magiging hatol ng judges sakaling matapos ang walang katapusang bilang ng "round".
Kung kailan magwawakas ang laban, walang nakakaalam.
----30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home