Friday, October 14, 2005

sino ang atat?

Editorial (15Oct05)

NAG-AALBURUTU na rin si topnotcher senator Mar Roxas laban sa pamamalakad ni Ate Glo.Isa si Roxas sa unang nagtraydor kay Pareng Erap sa Edsa Dos na nagbigay-daan upang maluklok sa Malacanang si Ate Glo.
Bagaman, isang administration senator si Roxas, pero maaanghang ang kanyang batikos kay Ate Glo na hindi pangkaraniwang nakikita at naririnig sa kanya sa mga nagdaang panahon. Ang paghuhunos ni Roxas bilang isang lantarang piskalayser ng Malacanang ay magpapasimuno ng isang bagong yugto sa tanawing pampulitika ng bansa.
Nakakasawa o nakakasuya na kasi ang mga batikos nina Sen. Nene Pimentel, Sen. Ping Lacson, Sen. Joker Arroyo, Sen. Frank Drilon at Sen. Juan Ponce Enrile. Unti-unti kasing nakukumpirma ni Roxas na talagang may pagka-utak Makoy si Ate Glo—ayaw nang umalis sa pagkakaupo sa Malacanang.
At dahil dito, maglalaho rin ang kanyang pangarap na matikman ang tungkulin na ginampanan ng kanyang LOLO na matagal na rin niyang pinananabikan. Angkop-na-angkop sa kanilang lahat mismo ang bukambibig na "lust for power" na kung tatagalugin o isasa-Filipino ay napakasagwang pakinggan: LIBOG-NA-LIBOG SA KAPANGYARIHAN!
Sino kaya ngayon ang atat na atat sa kapangyarihan—ang oposisyon ba o si Ate Glo? Mahirap sagutin yan? Iisa ang malinaw, hindi na kailangan ng ating mga politiko ang bagong tuklas na drogang "viagra".
----30----

0 Comments:

Post a Comment

<< Home