Thursday, October 13, 2005

state of emergency

editorial (14Oct05)

KINUMPIRMA mismo ng Department of Justice (DOJ) na naghahanda sila ng isang executive order para sa agarang implementasyon ng State of Emergency. Pero nilinaw nila na ito ay ibabatay sa sitwasyong magaganap partikular ang pag-atake ng mga terorista, hindi maawat na kaguluhan (peace and order) at paglobo ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa tatlong ito, madaling imbentuhin ang "atake ng terorismo" at kakambal siyempre nito ang pagkasira ng "peace and order" pero ang paglobo ng presyo ng langis--ay isang siyento-porsiyentong magaganap bago mag-Disyembre.
Malinaw dito na maaaring ideklara talaga ng Malacanang ang "State of Emergency" tulad sa pangyayari nang kunwaring "NA-AMBUSH" si dating Defense Sec. Juan Ponce Enrile na ngayon ay isang senador.
Kwidaw, tumiwalag na sa oposisyon si Enrile (pero huwag sana siyang ma-AMBUSH muli para lang madeklara ng ikalawang Martial Law).
Pero, may isang nalimutan si DOJ Sec. Raul Gonzales na maaaring pagbatayan ng "State of Emergency", ito ay ang kinatatakutang pagkalat ng BIRD FLU mula sa kalapit na bansang Vietnam, Indonesia at Thailand.
Ang unang tatlong tinukoy ni Gonzales ay hindi "makatwiran" na pagbatayan ng deklarasyon ng Martial Law, pero ang pamemeste ng bird flu ay isang matuwid na batayan ng "State of Emergency.
Yung nga lang, hindi ligtas ang mga taga-Malacanang kapag nalipol ang mga Pinoy. Ang mabigat nito, baka ang lalagda sa State of Emergency ang siya pang maunang tamaan ng bird flu.
Hindi siya nakakatulog kaya't mahina ang kanyang resistensiya!Huwag naman sana!
---30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home