Monday, November 07, 2005

bigo si Bush

editorial (08Nob05)

NABIGO si US President George Bush na kumbinsehin ang 34-nation Summit of Americas” na yakapin ang sistemang “FREE TRADE” o ang tinatawag na globalisasyon sa transaksiyong pang-ekonomiya. Pinamunuan ni Venezuela President Hugo Chavez ang limang bansa upang supalpalin ang agenda ni Uncle Sam na ipatupad ang free trade sa naturang bloke ng mga bansa sa paniniwalang hindi pa handa ang daigdig para dito kung saan ang tanging mamumunini o makikinabang ay ang malalaking bansa tulad ng United States.
Gayunman, sisikapin pa rin ni Bush ang ikampanya ang naturang agenda sa World Trade Organization meeting sa Hongkong sa susunod na buwan.
Sa totoo lang, tanging ang malalaking bansa lamang ang nakikinabang sa globalization kasi’y may sapat silang puhunan kumpara sa mga naghihirap na bansa na nananatiling tagabili o konsiyumer pero hindi kailanman magiging manufacturers o producers.
Pinakamasamang halimbawa dito ay ang pagdagsa ng mga imported rice, imported vegetables at imported na pagkain mula sa iba’t ibang bansa. Ang mga magsasaka na nagtatanim ng palay at gulay at mga nag-aalaga ng hayop ay mababangkarote dahil babaha sa merkado ang mga produktong may mababang presyo pero may masamang kalidad dahil sa “pesticide” na inilalagay dito upang manatiling sariwa ang pagkain sa panahon ng tranportasyon.
Hindi lamang pababagsakin ang mga maliliit na negosyante ng globalisasyon kundi manganganib din ang kalusugan ng mga konsiyumer.
Sakaling ipatupad ang Free Trade, mananatiling konsiyumer ang mga Pinoy ng imported goods, at mananatiling negosyante ang malalaking bansa.
Kumbaga, hindi mapapatid ang kadena sa kamay at paa ni Juan na ikinabit ng mga dayuhan.
---30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home