Friday, November 04, 2005

walang kapatawaran

Editorial (o5Nob05)

IPINALILITAW ng magkasapakat na sina dating Pangulong Fidel Ramos at Speaker Jose de Venecia na sumang-ayon na sa isang kasunduan si Ate Glo upang paikliin nito ang 6-year term upang bigyan-daan ang Charter Change na nagtatadhana ng unicameral system o pagtitindig ng isang Parliamentary System.
Ginagawang ugok nina Tabako at Kuneho ang katinuan ng mga Pinoy. Imposibleng pumayag dito si Ate Glo. Siya pa? Nakakatawa ang ipinalalabas na mga pabalita dahil pumayag daw si Ate Glo na maging transition president at aaktong figure head o honorary president mula 2007 hanggang 2010. Imposible yan at isang klase ng panloloko sa taumbayan kakutsaba ang media.
Sa totoo lang, nagmumula rin sa press release ng Malacanang na ngayon pa lamang nagdedebate at kumokonsulta ang inimbento nilang Consultative Commission (ConCom) sa mga lalawigan at wala pang kongkretong rekomendasyon ang mga "TUTA" kung anong klase ng gobyerno, anong sistema o anong maniobra ang gagawin bago pagtibayin ng Kongreso at bago rin lagdaan ni Ate Glo na rekititos upang maging tunay na BATAS.
Nangangahulugan bang dinidiktahan nina FVR at JDV ang ConCom at alam na nila kung ano ang magiging rekomendasyon? Isang malaking kahangalan ito. Isang pang-iinsulto ito sa taumbayan. Isang klase ito ng corruption sapagkat nilulustay ang salapi ng bayan upang LUTUIN MISMO ang 86 milyong Pinoy sa sarili nilang MANTIKA.
Nakapagtatakang tahimik ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ginagawang pamba-BLACKMAIL at pangho-HOSTAGE ng dalawang laos na politiko sa kanilang commander-in-chief at Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Hindi ito biro!Paglabag na ito sa Konstitusyon--isang walang kapatawarang kasalanan kay Juan.
---30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home