Sunday, December 17, 2006

Komite-de-pestehos

BAKIT kaya hindi kinukuwestiyun sa Ombudsman at Korte Suprema ang bilyong-bilyong pisong nilustay ng gobyerno sa BIGONG PAGSUSULONG ng Charter Change sa porma ng Constituent Assembly at People’s Initiative?
Malilinaw na ebidensiya na walang pakundangan na ginamit ito ng PONDO NG BAYAN—pero walang matalino o maabilidad na lider ng oposisyon na nagtatangkang magsampa ng demanda upang maparusahan ang mga hoodlums sa pamahalaan.
Hindi ba’t isang klase ito ng technical malversation of public funds?
Dapat ay gumawa ng oposisyon ng isang komite o task force na magsusuri kung anong klase ng demanda ang maaari nilang isama at kung paano makakalikom ng matitibay na ebidensiya.
Ngayon pa lamang ay dapat na nag-iipon na sila ng kaso laban sa mga nakaupo upang sa pagsapit ng bagong Kongreso sa 2007—ay magaan na nilang maisasampa ang ikatlong IMPEACHMENT COMPLAINT.
Ganyan dapat kasistematiko na mag-isip ang oposisyon!
Nababansagan kasing engot din ang oposisyon kasi’y kung kalian malapit na ang mga deadline ay doon sila naghahagilap ng mga ebidensiya at doon lamang sila nagbubuo ng mga “komite-de-pestehos”.
Dapat ay bumalangkas ang oposisyon ng isang totohanang ORGANISASYON o GULUGOD na gagabay at magpapatakbo ng “grand coalition” pero ang mga opisyal na itatalaga ditto ay pang-matagalan at walang pangarap na KUMANDIDATO sa hinaharap bagkus ay magsisilbi lamang THINK-TANK ng oposisyon sa hinaharap.
Sa totoo lang, nagagahaman din kasi ang ilang lider ng oposisyon dahil tinatanggap lamang nila ang posisyon bilang lider upang makaagaw ng LIBRENG PUBLISIDAD imbes na seryosong magplano tungo sa pagbabagsak ng kanilang mga katunggaling politico na nasa pamahalaan ngayon.
Isang magandang tayming o panahon ang mga nagaganap ngayong upang mag-organisa ang oposisyon ng isang “ADVISORY COUNCIL” na walang hangad na kumandidato bagkus ay magsilbing tagalikha ng estratehiya sa national at local levels para MABOKYA ang administrasyon sa mga susunod na eleksiyon.
Hindi naman kasi puwede na “kung sino ang kandidato, ay siya ring tagabatikos at taga-isip ng taktika”.
Maling diskarte yan!
Iyan ang tunay na dahilan ng pananatili ni Ate Glo sa Malacanang—palpak na sistema ng kanyang mga kalaban!
Kahit na puro below-the-belt ang pakana ng administrasyon ay hindi ito nasasabit.
---30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home