Thursday, June 01, 2006

Student isasakripisyo

(for BULGAR, Hunyo 2)

NAMPUTSA pinagdidiskitahan ngayon ng mga driver at ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mga estudyante kaugnay ng paglobo ng presyo ng produktong petrolyo.
Nais ng mga transport sectors na tanggalin ang 20 percent discount ng mga mag-aaral at hindi na raw sila hihingi ng umento sa pasahe.
Bilang kompromiso, bumigay naman ang LTFRB kung saan, imbes na tanggalin ang discount ay babawasan na lamang ito ng ilang porsiyento.
Aba, bakit naman ang mga kaawa-awang estudyante ang pinagbubuntunan ninyo at nais ninyong magdusa?
Mas dapat ay puwersahin ninyo ang mga DAMBULANG MULTI-NATIONAL COMPANIES na bawasan ang “presyo” alang-alang” mismo sa mga estudyante at mga drivers.
Napasusulasok namang malaman na nagkakamal ng multi-bilyong pisong tubo ang mga oil companies pero ang barya-baryang natitipid ng mga nagdarahop na estudyante ay inyo pang dadambungin.
Napakasama ng ganyang mungkahi.
Nananahimik ang mga estudyante, pagkatapos ay sila ang inyong parurusahan o pupuwersahing magsakripisyo.
Sa aktuwal, di ba't ang dapat ay ang mga DEMONYONG NEGOSYANTE ng langis ang dapat MAGBAWAS ng kita.
Ang konting barya na “aagawin” sa mga estudyante ay maaaring maging dahilan ng pagtigil sa pag-aaral ng libo-libong kabataan.
Pero ang konting barya na ibabawas sa oil price ay hindi magtutulak upang maisarado ang mga oil companies.
Malinaw na ang pagtanggal sa student discount o kahit ang PAGBABAWAS dito ay isang simpleng KATANGAHAN at KAWALANG-PUSO.
------30--

0 Comments:

Post a Comment

<< Home