Monday, January 15, 2007

Dadanak ang dugo

(Bulgar newspaper, january 16 issue)

EPEKTIBO na ang gun ban dahil nasa gitna na tayo ng election period.
May sumunod naman kaya?Kahit ang pagbabawal ng suspension sa mga local officials at pagtatanggal o pagtatalaga sa mga manggagawa at opisyal ng pamahalaan—ay malinaw na bawal, pero hindi ito nasusunod, bagkus lantarang nilalabag mismo ng mga awtoridad.
Paano susundin ng ordinaryong mamamayan ang mga opisyal ng gobyerno kung sila-sila mismo ay pumipilipit at bumabaluktot ng mga batas gamit ang iba't iba at magkakasalungat na opinyon.
Nakasentro dito ang Comelec na siyang dapat nagpapatupad ng batas sa “election period”, pero nawawalan na ng kredibilidad ang naturang Komisyon kasi'y binebendiyunan nito ang aksiyon ng suspensiyon sa mga local government executives at patuloy din nagbibigay ng permiso sa pagdadala ng armas.
Sa panahon ng gun ban, hindi maaaring dalhin ang armas sa labas ng bahay, pero siyempre, sakop lang nito ang mga lisensiyadong baril, paano ang mga paltik at hindi nakarehistro?
Hindi ba't matagal nang nagkalat ang mga baril partikular ang mga hindi naman nakarehistro?Walang halalan o mayroon man, bawal ang mga baril na walang lisensiya, nasugpo ba nila ang problemang iyan?
Nasaksihan natin ang serye ng ambush at pagpatay, bunga ito ng paggamit ng baril nang walang kontrol.
Paano mapoproteksiyunan ng ordinaryong kandidato ang kanilang sarili kung may hawak ng baril ang mga kalaban nilang “big time politicians”?
Isang maselang isyu ang pagbabawal sa pagdadala ng baril, napatunayang hindi ito ang solusyon sa isang MADUGONG ELEKSIYON.
Makaisip sana ang Comelec na kakaiba pero epektibong solusyon upang mabawasan ang pagdanak ng dugo sa Mayo.
----30--

0 Comments:

Post a Comment

<< Home