Saturday, January 27, 2007

Super-Force

(Bulgar newspaper, jan. 28 issue)

HABANG lumalapit ang “deadline” sa pagsusumite ng certificate of candidacy para sa senatorial elections, mistulang naghalo-ang-balat-sa-tinalupan sa mga partidong politikal.
Hindi malaman kung aling grupo, partido, ideolohiya o personal na interest ang mangingibabaw.
Pinakamainit na isyu ay ang pagbuhay ng Nationalist People's Coalition (NPC) ni Danding Cojuangco—ginamit na behikulo ni Pareng Erap nang magwaging bise presidente.
Ang NPC rin mula sa pamumuno ng pamangkin ni Danding na si Rep. Gilbert Teodoro ang umasiste kaya't nasagip sa impeachment proceedings si Ate Glo.
Kung tutuusin, nakapundasyon na ang NPC kung saan kontrolado nito ang ilang lalawigan at distrito sa iba't ibang panig ng bansa.
Sa ngayon, parehong may “kabig” ang NPC mula sa kampo ng administrasyon at mismo mula sa kampo ng oposisyon.
Higit itong may puwersa kompara sa Liberal Party wings nina Sen. Frank Drilon at Manila Mayor Lito Atienza; Nacionalista Party ni Senate President Manny Villar; PDP- Laban ni Sen. Aquilino Pimentel; Partido ng Masang Pilipino (PMP) ni Pareng Erap; Kilusang Bagong Lipunan (KBL) nina Madame Meldy at Rep. Imee; Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) ni Sen. Ed Angara; Kampi ni Ate Glo; at maging sa Lakas-CMD nina FVR at Speaker JDV.
Kung magiging seryoso lamang si Danding na pabulasin ang NPC maaaring ito mismo ang magsilbing NEW FORCE dahil magaan niyang maisasanib dito, ma-recruit o kusang buwagin ang ilang partidong politikal na binanggit sa itaas.
Nagpatiuna na sina ex-Senators Tito Sotto at Tessie Aquino Oreta upang samahan si Rep. Teodoro sa NPC senatorial aspirant; kapag isama dito ni Angara ang LDP, ikinusa ni Villar ang NP; at nakisali rin ang LP faction ni Drilon; pabonus ang KBL ni Meldy—malinaw na higit malakas ito kaysa sa ADMINISTRASYON at OPOSISYON.
Walang limitasyon ang “LANGIS” ni Danding—at iyan ang NAKAKANERBIYOS!
Maiiwan kay Ate Glo ang Lakas-CMD at Kampi; at magkakasya si Pareng Erap sa PMP at PDP-Laban.
Hindi simpleng third force ang kanilang KARIBAL-- kundi isang SUPER-FORCE!
Magkatotoo kaya ito, Rep. Gilbert?
-----30--

0 Comments:

Post a Comment

<< Home