Tuesday, January 16, 2007

Bala imbes boto

(Bulgar, newspaper, january 18 issue)

MARAMI ang nagdududa kung makakaya ng Comelec na maging malinis ang eleksiyon sa Mayo at Oktubre (Barangay election).
Pero, hindi nagbibigay ng patas na opinyon ang Comelec kaugnay ng suspension at dismissal sa ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Ipinagbabawal ito sa batas kasi'y may “bahid politika”.
Sintido-kumon ito.
Kasi'y maituturing na “midnight decision” ito ng Ombudsman at DILG dahil ipinatupad, isang araw bago magsimula ang election period.
Kumbaga may impluwensiya pa rin ito ng ELEKSIYON.
Simpleng pag-iisip lang ay madali itong maunawaan.
Maging ang dapat sana ay PATAS SA HATOL ng Ombudsman ay malinaw na nagpapagamit sa administrasyon.
Hindi natin masisisi ang DILG—dahil talagang makakapal ang mukha ng mga taong naitatalaga diyan.
Kung ang Ombudsman at Comelec ay nawawalan ng kredibilidad, magkakaroon kaya ng magandang reputasyon o dignidad ang eleksiyon sa Mayo?
Mas mainam sana ay ihayag ng Comelec na susuriin nilang mabuti ang mga naturang kaso—at kung kinakailangan ay “bawiin” ang suspension at dismissal dahil ginawa ito sa “dis-oras” ng eleksiyon.
Sa bagay, maaring mas may AWTORIDAD dito ang Korte Suprema.
Pero, mahalaga ang bilang ng mga araw upang hindi makaapekto sa kandidatura ng mga taong “sangkot” ang magiging desisyong Korte Suprema.
Sana'y bigyan ng prayoridad ng Kataas-taasang hukuman ang naturang mga kaso sakaling isampa ito sa kanilang hurisdiksiyon.
Ang paglabag sa batas ay normal na nagaganap sa lahat ng klase ng eleksiyon.
At ito mismo ang sanhi ng PAGDANAK NG DUGO.
Mangingibabaw ang BALA, imbes na BOTO!
-------30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home