Monday, April 30, 2012

WEDER-WEDER LANG ANG RERESOLBA SA SCARBOROUGH SHOAL



ITO ang ISKUP at TRIBYA  sa away ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal.
Maniwala ba kayo malapit nang maresolba ang  girian ng Pilipinas at China sa naturang LUBOG na isla?
Sa ayaw o sa gusto ng dalawang bansa, magsisilayas ang kanilang mga barko sa naturang bisinidad.
Kasi’y tumuntong na ang buwan ng Mayo.
Hindi dapat paniwalaan ang PAGASA weather station na buong Mayo tatagal ang sobrang init ng klema.
Tradisyonal na bumubuhos ang ulan sa buwan ng Mayo.
Isa sa pinakamasungit na alon ay matatagpuan sa naturang teritoryo kung saan lumubog ang isang barko sa naturang lugar—at mula noon, binansagan itong Scarborough Shoal.
Iyan ay batay sa kasaysayan, batay sa teknikal at batay sa lohika!
Mahalagang maunawaan ito ng taga-Malacanang upang hindi magpadaskol-daskol sa pagbibigay ng maseselang reaksiyon.
Malinaw din na hindi pa man isinusumite sa UN court ang reklamo ng Maynila, maaaring magkusa ang Chinese vessels na lumayas sa Shoal hindi dahil natakot o natameme sa LEGAL ACTION bagkus ay sa simpleng lohika na umiwas sa malalakas na unos at bagyo sa gitna ng karagatan.
Sakaling lumayas ang Chinese vessels sa naturang lugar, tulad din ng dati, paulit-ulit na mambubuwisit (mas angkop na kataga imbes na  mambu-bully) ang China sa Maynila sa mga susunod pang TAG-ARAW.
Hindi rin dapat umasa ang Pilipinas sa INTERNATIONAL LAW, kasi’y ang agawan sa teritoryo ay HINDI KAILANMAN nareresolba ng UN court, bagkus ito ay PINAGBUBUWISAN ng buhay.
Ang soberaniya at teritoryo ng bawat NASYON o BANSA—ay pinupuhunanan ng BUHAY—hindi ng teknikalidad.
Ngayon pa lamang ay dapat palakasin  ang PUWERSA ng  Philippine Navy. Dapat silang  umibento ng mga GUN BOATS na kasinliit  ng KUMPIT ng mga Muslim.
Kapag ang MUMUNTING BANGKA ay may MACHINEGUN at BAZOOKA o GRENADE LAUNCHER—matatakot ang China na maglamyerda sa Scarborough Shoal.
Dapat paghandaan ng AFP ang susunod na tag-araw, magpalaot sila ng 1,000 KUMPIT na may bazooka sa naturang teritoryo.
Masusukat natin dyan   ang TAPANG ng mga Tsino at tapang ng mga taga-Zambales.
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, May 01, 2012 issue. CC: bistado.blogspot.com/ @bistadoniambo on twitter/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745). 

0 Comments:

Post a Comment

<< Home