Thursday, May 10, 2012

CHINA VS PHILIPPINES: A GLOBAL CONCERN



NAGLABAS na ng advisory ang Chinese government sa lahat ng kanilang embahada sa buong daigdig na maging MAINGAT at huwag makialam, manood at manatili sa kani-kanilang tirahan ang mga Chinese citizen na sa iba’t ibang bansa sakaling magkaroon ng malawakang  protesta ang mga Filipino sa iba’t ibang embahada ng China.
Kumpirmasyon ito na ang isyu sa agawan ng China at Pilipinas sa Scarborough Shoal ay naging pandaigdig na o isa nang global concern.
Ang China at Pilipinas ay parehong may milyon-milyong mamamayan na nananatili , naninirahan at nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa daigdig.
Pero nilinaw ng mga lider ng protesta na hindi na kailangan ang gayong babala mula sa awtoridad ng China dahil walang masamang aksiyon na isasagawa ang mga Pilipino at wala ring  pagsunog ng bandila ng naturang bansa.
Nauna rito, nagbabala ang China na nakahanda sila sa anumang komprontasyon sa naturang sigalot dahil naniwalang pag-aari nila ang naturang teritoryo.
Nagaganap ito sa gitna ng pagkumpirma ng United States na nakahanda silang igalang ang mutual defence treaty at nakahanda silang saklolohan ang Maynila sakaling magkaroon ng komprontasyong military.
Sa kabila ng garantiya ng White House, marami pa ring kritiko ang hindi naniniwalaang aasiste sa porma ng military ang US kontra sa China dahil higit na malaki ang FINANCIAL INTEREST ng US sa China kompara sa Pilipinas.
Anu’t anuman, imbes na humupa, habang nagtatagal gumagrabe ang away ng Pilipinas at China.
(EDITORIAL  NI KA AMBO column, Bulgar newspaper, May 11, 2012 issue, UNEDITED. Cc: bistado.blogspot.com/ @bistadoniambo on twitter/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745). 

0 Comments:

Post a Comment

<< Home