Saturday, September 22, 2012

PAANO IIWAS SA KRIMEN?



MARAMI ang  nababahala sa hindi mapigil na kriminalidad.
Nabuhayan naman ng loob ang mga sibilyang nang biglang  balasahin ni PNoy ang Philippine National Police (PNP) na mag-early retirement si dating deputy director general Arturo Cacdac.
Pinalitan siya ng bagong deputy director general na si Emelito Sarmiento at umangat din ng posisyon si Rommel Heredia bilang PNP deputy chief for  operations.
Umangat naman bilang bagong PNP chief of directorial staff si dating NCRPO director General Allan Purisima.Pero nananatiling hepe ng PNP si Director General Nicanor Bartolome, kinukumbinse ni PNoy na mag-early retirement din upang bigyan-daan ang pagpapanibagong sigla ng pambansang pulisya.
Natutuwa naman tayo nang aminin ni Purisima na dumarami ang bilang ng krimen at sinisikap nilang makakuha ng sapat na datos at impormasyon upang masuri ito at mapag-aralan bago makagawa ng isang sistematikong paraan para masugpo  o mabawasan ang krimen hindi lang sa Kamaynilaan kundi maging sa buong bansa.
Nakatoka ngayon ang directorial staff sa pagmo-monitor at pagrerekomenda ng solusyon sa tila hindi maayos na takbo ng pambansang pulisya.
Sa totoo lang, nasa tamang landas si Purisima sapagkat masusi nilang pinag-aaralan ang sitwasyon at kumakalap ng datos imbes na pagtakpan ang kasalukuyang sitwasyon ng peace and order sa bansa.
Tinukoy nito ang tatlong mahalagang aspekto kung bakit at kung paano dumarami ang bilang mga krimen.
Una, ang motibo; ikalawa, ang kapasidad o ang kakayahan ng suspek na gumawa ng krimen; at ikatlo , ang oportunidad na makagawa ng krimen.
Sa tatlong ito, pinakamahalaga ay ang motibo sapagkat kung walang motibo, walang magaganap na krimen.
Ibig sabihin, kailangang masuri kung ano ang karaniwang motibo ng krimen na madalas nating masaksihan—at madaling matukoy na ito ay may kaugnayan sa pagdarahop o kakapusan ng salapi o matinding pangangailangang materyal.
Kung ang pagdarahop ang karaniwang motibo ng krimen, upang masugpo ito, ay sintido-kumon lang ang solusyon: Bigyan ng trabaho o mapagkakakitaan ang ordinaryong mamamayan upang maresolba ang karaniwang motibo ng krimen.
Ikalawa, ang kapasidad o ang kakayahan o kasangkapan na ng suspek sa paggawa ng krimen. Matutukoy dito ang gamit sa krimen tulad ng baril, patalim o iba karanasan sa paggawa ng kabulastugan.Ibig sabihin, ang ginagawang pagkapkap bago pumasok sa gusali; ang operasyon-bakal o pagkumpiska ng baril at patalim; at ang pakikihalubilo sa kapwa kriminal—ay maituturing na kakayahan o kapasidad sa krimen.
Kapag walang kasangkapan o armas ang suspek, mahihirapan itong gumawa ng krimen kaya’t mahalagang makontrol o maimonitor ang mga armas o patalim ng ordinaryong mamamayan at masuri rin kung anong klase ng barkada  mayroon ang isang tao.
Ikatlo at mahalagang aspekto ng krimen ay ang oportunidad na gumawa ng krimen. Kung may motibo (pagnanakaw); at may armas (baril o patalim) pero WALANG OPORTUNIDAD ay walang magaganap na krimen.
Ibig sabihin, huwag nating hayaan na magkaroon ng oportunidad ang suspek na makagawa ng krimen. Magagawa ito sa pag-iwas na umuwi nang gabing-gabi; umiwas na maglakad ng nag-iisa; umiwas na magdala ng alahas o malaking halaga o magbitbit ng importanteng gadgets gaya ng laptop, mamahaling selpon , iphone o i-pad.
Laging isarado o ikandado ang bahay; huwag iwanan ang bahay nang walang tao o hindi man lang pinababantayan sa kapitbahay; siyempre, huwag mag-iwan ng mahahalagang kasangkapan sa tahanan kung magbabakasyon sa ibang lugar.
Ang tatlong aspektong ito---motibo, kasangkapan sa krimen , at oportunidad ang pinag-aaralang mabuti ng  grupo ni Purisima upang maresolba ang kriminalidad sa bansa.
Sa totoo lang, sa tinatagal-tagal ng PNP ngayon lang yata maipatutupad ang isang sistematikong paraan sa pagsugpo ng krimen.
Pero ang pinakamahalaga, kailangang lumahok, makisangkot at magboluntaryo ang pribadong sektor o sibilyan sa pagsugpo ng kriminalidad.
Ang kusang pag-iingat ng sibilyan laban sa krimen—ay mahalagang ambag upang mabawasan ang kriminalidad kung susuriin lagi ang tatlong aspekto na ating binanggit sa itaas.
Kapag naging maingat ang bawat sibilyan, 80 porsiyento ng krimen ay mababawas at masusugpo.
Ipagdasal natin masapol ng PNP ang tamang solusyon laban sa kriminalidad.
(EDITORIA “ column”  ni Ka Ambo, Bulgar  newspaper for Sept. 23, 2012 issue. UNEDITED. Cc. bistado.blogspot.com/ danilo_ambrocio@yahoo.com/ 09173525272/ bistadoniambo on twitter.)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home