Tuesday, September 20, 2005

bigasss

Editorial (21Sep05)

PINAPLANO ng National Food Authority (NFA) na itaas ang presyo ng ibinibenta nilang bigas pero pinigil ito ng Malacanang.
Balak na dagdagan ng piso ang P16 per kilogram na regular NFA rice na nasa merkado ngayon at gagawing P21 ang well-milled rice na kapwa inaangat sa China.
Nadoble sa halos dalawang milyong metric tons ang imported rice kompara sa 990,000 metric tons na inimport noong 2004.
Sa ngayon, hindi pa halos nag-aani ang mga magsasaka kaya't nobenta'y nuwebe porsiyento ng bigas na nabibili sa palengke ay pawang "imported rice".
Ang mahuhusay na bigas o ang tinatawag na laon--ay simpleng mula sa pinaghalong "remilled na imported rice" at bigas na nagmula sa palay na inistak sa malalaking bodega.
Nais ng NFA na itaas sa piso ang presyo ng kanilang bigas sa katwiran nalulugi sila at sakaling ipatupad ang utos ni Ate Glo na manatili ang presyo at mawawalan ng P8 bilyon ang gobyerno sa taong ito.
Umaabot sa P28 bilyong piso ang halaga ng imported rice na binibili ng gobyerno at isang malaking parusa ito sa kaban ng bayan.
Sa ika-33 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa araw na ito, mainam alalalahin na ang Pilipinas ay nagi-EXPORT ng bigas sa mga karatig bansa imbes na umangkat ng naturang produkto tulad sa nagaganap sa kasalukuyan.
Tuwirang may koordinasyon ang Department of Agriculture (DA) at Department of Local Government (noon ay Presidential Arms for Community Development, PACD) sa magsasaka kaya't nagagabayan sila sa mga pangangailangan sa panahon ng Martial Law.
Sa ngayon, walang malinaw at kongkretong programa ang DA at DILG upang malalalayan ang mga nagdarahop na magsasaka.
Sakali kasing magkaroon ng SURPLUS sa supply ng bigas sa Pilipinas, hindi TATABO ng malaking kita ang matataas na opisyal ng NFA na siyang nangangasiwa sa pag-IMPORT at pagre-REMILL nito kakutsaba ang commercial traders.
Bukod dito, mawawalan din ng saysay ang tone-toneladang SMUGGLED rice na pumapasok sa loob ng bansa kaya't MABOBOKYA sa kurakot ang mga mandarambong sa pamahalaan.
Habang naghihirap ang ordinaryong mamamayan, lalong yumayaman ang mga nasa pamahalaan!
----30---

0 Comments:

Post a Comment

<< Home