Saturday, March 24, 2012

MARQUEZ VS GESTA

BAGAMAN inaayos pa ang negosasyon, lihim na naghahanda na si Mercito Gesta ng Mandaue City sa kanyang pinakamagarbong laban at pinakamabigat na pakikipagharap kay Juan Manuel Marquez alinman sa mga buwan ng Hulyo o Agosto sa taong ito.
Ito ang ipinahayag ng kanyang trainer-father na si dating world muay thai championship finalist Anecito Gesta sa eksklusibong panayam ng Bagong Tiktik.
Sinabi ng matandang Gesta, isa sa founding director ng Kickboxing Association of the Philippines at IAMTF-Philippines, na sasabak muna si Mercito sa isang tune up fight laban kay dating WBA lightweight champion Jose Alfaro sa Abril 14 na isang 10-rounder bout na ipalalalabas nang live ng HBO pay-view program.
Isasagawa ang Gesta- Alfaro bout sa prestihiyosong Mandalay Bay, Las Vegas.
Gayunman, nababahala ang ama nio Mercito na maaaring umatras si Alfaro sa laban dahil sa pinakikitang husay ng kanyang anak na isa sa kinatatakutang Filipino boxer ngayon na nakabase sa United States.
“Sakaling umatras si Alfaro, nakareserbang kalaban ni Mercito sa Abril 14 ay si Luis Arceo. Iniiwasan kasi nila si Mercito kasi’y alam nilang may kakaibang puwersa ito at tapang,” wika ni Anecito.
Hawak ni Alfaro ang record na 26 panalo, walong talon a may 22 knockout wins. Kabilang sa tinalo ni Alfaro si Prawet Singwacha noong Disyembre 29, 2007 at nakalaban din sina Eric Morales at kasalukuyang kampeon na si Antonio Demarco.
Bubuwelo rin sa isang tune up fight si Marquez na isasagawa ang laban sa Abril 14 sa Mexico pero isasagawa naman ang laban ni Gesta sa naturang petsa sa mas prestihiyosong Mandalay Bay sa Las Vegas.
Wala pang talo ang 24-anyos na si Gesta na may 12 panalo sa knockout samantalang hawak ni Marquez ang pambihirang kartadang 53 panalo, anim na talo at isang draw kabilang ang 39 knockout wins. (Jesus Rainier Ambrocio)
(TIKTIK SPORTS PAGE, TIKTIK Newspaper, March 25, 2012 issue)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home