Saturday, March 24, 2012

PASAY: NEW CALOOCAN

MAMISO na lamang ngayon ang pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman na ang tanging layunin ay masira ang reputasyon ng mga katunggali sa politika gamit ang black propaganda sa media.
Matapos kasi ang mahabang kaso ng demandahan sa Ombudsman ng magkalabang sina Caloocan Mayor Recom Echiverri at Vice Mayor Edgar Erice kung saan naabsuelto ang incumbent mayor, ginaya na rin ito sa Pasay City.
Inireklamo na rin sa Ombudsman ni Vice Mayor Marlon Pesebre si Pasay City Mayor Tony Calixto na may kaugnayan sa lease contract sa Pasay City Mall.
Pero, iginiit ni Calixto na walang batayan ang alegasyon ng kanyang vice mayor tulad din ng paniniwala ni Echiverri nang iabsuelto siya ng Ombudsman kamakailan.
Malinaw na ang pagsasampa ng kaso tulad nito ay isang klase ng taktika ng mga politiko upang makaani ng political points at masira ang reputasyon ng katunggali bago ang aktuwal na eleksiyon sa Mayo 2013.
Nabatid na gumagastos ang Pasay City ng P3.81 milyon kada buwan sa maintenance ng naturang mall kabilang ang gugulin sa elektrisidad, tubig, airconditioning units, escalator, suweldo , janitorial service, operating expenses at capital expenditures.
Sa ngayon, imbes na gumastos o malugi, kumokolekta pa ang City Hall ng P2 milyong kada buwang renta mula sa bidding winner na Widescope Property Managements sa bissa ng isang lease contract agreement.
Dahil pribadong kompanya ito, nagbabayad pa ng buwis ang operator taliwas sa dating sitwasyon na exempted ang naturang City Mall sa taxes dahil pinangangasiwaan ng gobyerno.
Nilinaw ni Administrator Atty. Dennis Bernard Acorda na dumaan sa maayos na subasta bago nai-award ang kontrata bukod pa ang serye ng pagdinig sa Konseho bago napagtibay ng Sangguniang Panlunsod.
Sa gitna ng palitan ng alegasyon at akusasyong ng magkakalabang politiko, nagmimistulang ginagamit lamang ang Ombudsman bilang kasangkapan sa black propaganda .
Kung hanggang kailan matatapos ang ganitong klase ng modus-operandi ng mga politico, ay walang nakakaalam, maliban na lamang na MATAUHAN at MAMULAT ang Ombudsman na sila ay ginagawang LARUAN lamang.
(EDITORIAL, , Bulgar Newspaper, March 25, 2012 issue, UNEDITED. Cc. editorsdiary.blogspot.com/ bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745).

0 Comments:

Post a Comment

<< Home