Wednesday, May 16, 2012

NEDA chief na-trauma sa krisis



BAGAMAN ikinatwiran na mahinang kalusugan ang dahilan ng pagbibitiw ni NEDA chief Cayetano Paderangga, hindi rin maiaalis na isang dahilan din ng kanyang pamamaalam sa administrasyong Aquino—ay ang hindi maiiwasang PAGKADISKARIL ng ekonomiya na inaasahang mararanasan sa taong ito.
Sa pinakahuling ulat, kakaunti na ang mga import products na nagmumula sa ibang bansa particular sa China kung saan hindi maabot ang target na koleksiyon ng buwis sa  Aduana.
Kahapon, inamin din ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi naabot ang target collection sa buwan ng Abril mula Enero sa kabila ng tax filing season.
Hindi natin masisisi ditto ang Aduana at Rentas Internas, kasi ang kabiguan sa koleksiyon ay isang GLOBAL PHENOMENON—krisis pang-ekonomiya!
Kung sa panahon ng pagbabayad ng buwis ay hindi naabot ang target na koleksiyon, paano pa maabot ang target na koleksiyon sa mga susunod na buwan ng taong kasalukuyan.
Isa itong malaking problema ng administrasyong Aquino kung saan ang pressure ay papasanin ng kanyang mga economic manager kabilang si Paderangga na tiyak na maaapektuhan ang kalusugan sa pag-iisip ng solusyon.
Nakapagtatakang sa gitna ng napipintong krisis sa ekonomiya, ay nananatiling ang prayoridad ng Malacanang ay ang mga aktibidad na pampolitika tulad ng impeachment proceedings at pag-iingay sa Scarborough Shoal na mga sitwasyon maaaring isaisantabi lang at bigyan ng pokus ang KABUHAYAN ng ordinaryong mamamayan.
Sana’y maunawaan ito ng mga kinaukulan bago mahuli ang lahat!
(EDITORIAL NI KA AMBO, Bulgar newspaper, May 17, 2012 issue. Cc: bistado.blogspot.com/ @bistadoniambo on twitter/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745).

0 Comments:

Post a Comment

<< Home