Saturday, June 16, 2012

SA AKING AMA; SA AMA NG AKING ANAK


ARAW ng mga tatay ngayon!
Naalala ko ang yumao kong ama na si Kapitan Sucing.
Pito kaming magkakapatid na lalaki at may tatlo kaming kapatid na babae.
Ikinukuwento ng aking ama na nang binata pa siya, siya ay estranghero, mahilig sa sugal, uminom pero dumadayo siya kung saan-saan upang magtrabaho.
Pero nang makaisang dibdib niya ang aking yumaong ina na si Inang Talia, pokus siya sa pamilya.
Nagamit niya ang natutuhan niya sa latwaksa—bihasa siyang magkapintero, bihasa siyang  mekaniko,  electrician, tubero,  magsasaka, mangingisda;  at bihasa siyang POLITIKO o lider sa lipunan kaya’t naging barangay captain siya.
Haligi siya ng Nacionalista Party sa aming bayan ng Balagtas, Bulacan.
Iniidolo niya si dating Pangulong Marcos.
Ipinagmamagaling niya ang litrato niya kasama si Pangulong Marcos nang dumalaw sa Motorpool sa Guiguinto, Bulacan noong 1965.
Bilang kapitan ng barangay, tinanggap niya nang personal ang tseke na nagkakahalagang P5,000 bilang pondo sa PROYEKTO na personal na pipiliin ng puno ng barangay.
Isang eksena ito na hindi niya malilimutan .
Alam ba ninyo kung saan inilaan ng aking AMA na barangay captain ang pondong P5,000?
Taliwas sa ibang barangay, inilaan niya ang pondo sa pagbili ng INIDORO (toilet bowl), hallowblocks, semento, bakal, buhangin, graba at yero upang magkaroon ng LIBRENG PALIKURAN ang NAGDARAHOP NA PAMILYA sa aming barangay.

----$$$--
SA panahon iyon, bibihira lang sa aming barangay ang may TOILET.
Ang barangay Longos ay nasa tabi ng ILOG-BALAGTAS at hinahati ang teritoryo nito ng RILES ng tren.
Sa  Balagtas River araw-araw LUMALANDING ang “FLYING SAUCER” tuwing umaga at  gabi.
Sa madaling araw naman, nag-uunahan ang ilang residente sa pagpunta sa TULAY NA RILES ng tren na may hawak-hawak na TABO na may tubig  at DIYARYO.
Hindi pampaligo o pansepilyo ang isang TABONG TUBIG at hindi rin para BASAHIN ang DIYARYO—alam na ninyo kung saan ito gagamitin.
Ganyan kagrabe ang sitwasyon nang walang PALIKURAN ang mga bahay.
Iyan ang dahilan kung bakit IPINAGPAGAWA ng aking ama na si Kapitan Sucing ng kanya-kanyang LIBRENG TOILET ang mahihirap na pamilya sa aming barangay.

-----$$$--
DISIPLINADO kaming 10 magkakapatid.
Bawal sa babaeng kapatid ang magpunta sa bukid, taga dala lang sila ng MERYENDA.
Pero ang tatlong babae ang nakatoka sa paglalaba, pagluluto at pag-aalaga ng bata.
Ang mga lalaki naman ay  nakatoka sa pag-ibig ng tubig at trabaho sa  bukid—pagdadamo, paggapas, pagtatanim, paghuhulip, pagpapatubig at pagbomba ng insekto at pagbugaw sa mga daga at ibon.
Pero kapag dumating na kami sa bahay, buong gabi kaming maiingay, naglalaro kami ng chess, naggitara, nagdedebate sa doktrina sa bibliya at isyu tungkol sa gobyerno ni Marcos.
Nang kami ay nasa elementarya, ang bawat 100 percent na grado sa QUIZ at exam ay may katapat na CASH GIFT—at siyempre, lagi akong may PERA, madalas akong maka-one hundred eh.

----$$$--
NOONG Pebrero 24, 1986, nasa tabi ng aking ama ang TRANSISTOR na iniregalo sa kanya ni Pangulong Marcos na ang marka ay “F-r-e-E-d-o-M. Nakikinig siya sa ulat ng pagbagsak sa poder ni Marcos at lumuluha.
Sabi niya: “Anak, hindi ka ba pupunta sa Malacanang? Marami nang tao dun at mukhang tagilid na siya sa puwesto?” wika sa akin ng aking ama.
“Gusto ko pong pumunta, pero maghahanap ako ng kasama”, sagot ko.
Inabutan ako ng aking ama ng P200 sabay ang sabi: “Sige, INGAT KAYO”.

------$$$--
NOONG Hunyo 2, 2012, umakto akong ama sa kasal ng pamangkin ko.
Naulila  sa ama ang tatlo kong pamangkin at  tuwing may ikinakasal sa kanila—ako ang PROXY FATHER.
Isinama ko ang aking 8-year old na unico-hijo na si Rainier sa PANGANAY na kapatid ng aking yumaong ina na si Lola Luding
Pinagmano ko si Rainier sa kanyang Lola Luding na hindi na nakakakita sanhi ng katarata.
Nakaupo na hinagod-hagod lamang ng aking Nana Luding si Rainier.
“Ilan taon na po kayo , Lola,?” tanong ni Rainier.
“NINETY-FOUR na ako, iho,” sagot ni Lola Luding sa nagulat na si Rainier.
“Huh, ninety –four? Six na lang, ONE-HUNDRED na!,” natatawang namangha ang paslit.

-----$$$--
LUMAPIT ako sa eksena.
“Anak gusto mo ba na ang iyong Daddy at Mommy ay maging 100 years old din?”,  urirat ko kay Rainier.
“I don’t want that,  Daddy,” sagot niya.
“Bakit”, tanong ko agad.
“NO, because,  I WANT BOTH OF YOU—DADDY AND MOMMY TO STAY YOUNG FOREVER”.
Otso-anyos siya, pero alam agad niya na HINDI ANG MATANDANG EDAD ang MAHALAGA kundi ang manatiling MALUSOG at BATAMBATA sa habang panahon.
HAPPY FATHER’S DAY po sa inyong lahat.
(BISTADO NI KA AMBO column, Bulgar Newspaper, June 17, 2012 issue, UNEDITED. Cc. bistado.blogspot.com/ @bistadoniambo on twitter/ bistadokamao@yahoo.com/ 09173525272) 

0 Comments:

Post a Comment

<< Home