Wednesday, October 31, 2012

GESTA: NEW FLASH ELORDE



BILIB na bilib si US boxing trainer kay Manny Pacquiao kasi’y nasa hustong kondisyon gayung naglalagare ito sa daigdig ng telebisyon at politika.
Pinakaaabangan kasi ng buong daigdig at maging ng 95 milyong Pinoy ang kanyang megafight laban kay Mexican legend Juan Manuel Marquez sa  ikaapat na pagkakataon.
Kasabay nito, marami ang nagtatanong sakaling talunin ni Pacquiao si Marquez at talunin din ang nag-aantay na si Floyd Mayweather, dapat na itong magretiro nang may MARANGYANG PAGWAWAKAS sa kanyang boxing career.
Ang tanong: Sino ang papalik sa pedestal na iiwanan ni Pacman?
Ang sagot ay malalaman natin sa naturan ding boxing card sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Minarkahan kasi ni Bob Arum na CO-HEADLINER ng Pacquiao-Marquez ultimate bout—ang laban ng wala pang talong  Cebuano na si Mercito Gesta kontra kay International Boxing Federation (IBF) lightweight champion Miguel Vasquez ng Mexico.
Malinaw na ang bakbakan sa Immaculate Concepcion Day sa Disyembre 8---ay tatawaging Philippines vs Mexico  world war.
Matagal nang nage-ensayo ang dating kickboxing at muay  thai international champion na si Gesta kung saan tinalo niya ang lahat ng 26 isa  niyang katunggali at hindi rin siya kailanman naging amateur fighter bagkus diretso sa pagiging professional.
Hinasa siya ng kanya ama na si muay thai world championship veteran Anecito Gesta nang siya ay isa pang paslit sa sarili nilang martial arts gym sa Mandaue City, Cebu.
Sariwa pa si Vasquez sa isang split decision win sa tigasing din si Marvin Quintero kung saan umabot ang laban sa nakapapagod na 12 rounds bago kinausap siya ng Top Rank upang harapin si Gesta sa Disyembre 8.
Nag-ensayo ngayon si Gesta sa marangyang Big Bear Mountains resort sa California kung saan nagsasanay din si Miguel Cotto.
Sa maniwala kayo o sa hindi, makaka-SPAR ni Cotto mismo si Gesta sa naturang mountain resorts.
Itinuturing ng mag-amang Gesta na natupad sa Disyembre 8 ang isang dream fight dahil ito ang kauna-unahang kampeonato na kanilang sasabakan kung saan magbibigay-daan din para makamit ang isang PANGARAP NA MATAGAL NANG NAIS MATUPAD—maging world boxing champion.
May mga nagsasabi na hindi angkop na sabihin, si Gesta ang susunod sa yapak ni Pacquiao  dahil ang Kongresista ay unang nagkampeon sa mababang timbang na flyweight division taliwas sa Mandaue hero na isang lehitimong lightweight.
Ikinukumpara silang dalawa dahil pareho silang kaliwete, pero nalimutan nang lahat na isa ring KALIWETE ang maalamat na si Gabriel “Flash” Elorde na naghari sa LIGHTWEIGHT DIVISION sa loob ng pitong taong singkad.
Kung ikukumpara, mas dapat kilalanin si Gesta bilang kapalit ni Flash Elorde, hindi lang dahil sa pagiging kaliwete, pagiging lightweight fighter kundi dahil sa pagiging SCIENTIFIC BOXER—at isang tunay na DUGONG CEBUANO.
Sa inyo, Gesta at Pacquiao—mabuhay!!
Kayo ang buhay na bayani ng ating henerasyon!!
(EDITORIAL  NI KA AMBO column, Bulgar Newspaper, Nov. 01, 2012 issue. UNEDITED. Cc: bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ bistadoniambo on twitter/ 09173525272).

0 Comments:

Post a Comment

<< Home