Friday, November 23, 2012

BUWIS-it! BUWIS-it! BUWIS-it!





KAYDAMING nagte-text sa atin kaugnay ng walang humpay na pagtatangka ng gobyerno na magpataw ng katakot-takot na buwis sa ordinaryong mamamayan.
Nagtataka ang ilang texters kung bakit maging ang mga walang hanapbuhay o nagdarahop buhay ay napaparusahan ng pagpapataw ng buwis.
Dahil diyan ay nag-organisa ang mga nagdarahop na tagalungsod ng tinatawag nilang “Koalisyon Kontra BUWIS-it (KKB).
Para sa kanila ang buwis sa EVAT  ay pinapasan ng mga mahihirap sapagkat ang lahat ng produkto na kanilang binibili sa palengke ay pinapatawan ng buwis kaya’t matataas ang presyo.
Maging ang singil sa konsumo ng elektrisidad at  tubig ay dambuhala rin ang buwis at maging ang mga pasahe sa mga transportasyon—eroplano, barko at iba pa.
Maging ang ipinapanukalang buwis sa sigarilyo at alak ay babalikatin ng ordinaryong mamamayan sapagkat marami rin sa kanila ay kumokonsumo nito.
Pero nilinaw naman ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang taga-Lungsod (KPML) na hindi naman sila tutol sa mga pagpapataw ng buwis dahil kailangan talaga ito ng gobyerno, pero hinihiling nila na kung pupuwede ay yung mga MAYAYAMAN at milyonaryo na lamang ang patawan ng buwis.
Kasi’y pati ang TEXT na ginagamit din ng mga nagdarahop ay binabalak na patawan din ng buwis.
Hiniling ng ating texter na si Pedring Fadrigon kay PNoy na bilang PAMASKO sa mga mahihirap ay ipatigil na ang mga buwis na tinatamaan ang hanay ng mga mahihirap.
Sinabi nito na maraming batas na nagpapataw ng buwis ay mula lamang sa SULSOL at dikta ng mga dayuhan partikular ang International Monetary Fund (IMF) na nagbubunsod ng text tax.

-----$$$--
PERO kakaiba ang diskarte naman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na pinamumunuan ng ating SUKI  na si Leody de Guzman, inorganisa nila ang mga urban poor upang mangaroling at kalampagin ang Malacanang.
Imbes na gitara at tambol, gagamitin   nila sa KAROLING ay KALDERO at SANDOK.
Kakalampagin nila ang mga awtoridad kung bakit kaliwa’t kanan ang buwis na kinakaltas sa ordinaryong mamamayan.
Tinukoy nila ang buwis na kinakaltas sa regular na suweldo, overtime pay, bonus; at pag kumain sila sa fastdfoods ay may patong ding buwis ang resibo.
Malaki po ang TAMA ninyo.
Talagang dapat magtulong-tulong ang taumbayan kontra sa BUWIS-it na yan.
BUWIS-it! BUWIS-it! BUWIS-it!
(BISTADO NI KA AMBO column for Nov. 24, 2012 issue. Bulgar Newspaper, UNEDITED. CC. bistado.blogspot.com/ bistadoniambo on twitter, bistadokamao@yahoo.com/ 09173525272).

0 Comments:

Post a Comment

<< Home