Tuesday, September 27, 2005

gatasang baka

Editorial (28Sep05)


GRABE na ang nangyayari sa National Power Corporation (Napocor) dahil garapalang ginagamit itong “Gatasang-Baka” ng gobyerno.
Isipin ninyong nangutang ito ng kabuuang $400 milyon sa kainitan ng impeachment proceedings upang hindi mapansin ng kritiko.
Ipinagtanggol pa nina Central Bank Gov. Amado Tetangco at Budget Secretary Romulo Neri na kung tutumbasan ng piso ay aabot sa P2 bilyon.
Eh, sino ang magbabayad nito?Hindi ba’t si Juan dela Cruz?Nakakatuwa ang depensa ni Tetangco kasi lumobo pa raw ang dollar reserves dahil sa naturang utang, anong klase ng reserba yan—eh tiyak na dolyares ang interest niya na magpapalubog lalo sa pagkakautang ng Pilipinas.
Ikinakatwiran naman ni Neri na naka-BREAK EVEN ang Napocor noong nakaraang taon, pero lingid sa kaalaman ng publiko, ito ay dahil sa SINAGOT o pinasan ng gobyerno ang P200 bilyong utang ng Napocor kasi’y guranteed ito ng pamahalaan.
Palaging ginagarantiyahan ng gobyerno ang pangungutang ng Napocor kaya’t ang nababaon ditto at ang tunay na magbabayad ay ang 86 milyong Pinoy.
Ibinabaon ng pambansang lider sa utang ang Napocor upang maipagpaliban ang PRIVATIZATION nito o pagbebenta sa pribadong sector, dahil sino nga naman ang magkakainterest sa naturang korporasyon kung lubog na ito sa utang?
Kapag naisapribado na ang Napocor--- mawawalan ng “Gatasang-Baka” ang mangungurakot sa gobyerno.
Dapat nang ibenta sa pribadong sector ang Napocor upang matigil ang graft and corruption at makalikom ng sapat na pondo na magagamit hindi lamang sa aktuwal na pambayad utang kundi matitigil na rin ang pangungutang na pinagdurusahan ng ordinaryong mamamayan.
---30--

0 Comments:

Post a Comment

<< Home