Saturday, January 28, 2006

Pinakamabahong isyu

NAHAHARAP sa isang krisis ang bansa partikular ang malalaking siyudad na walang mapagtatapunan ng basura.
Awtomatikong isasarado na sa Pebrero 16 ang mga open solid waste dumpsite sa buong bansa bilang pag-alinsuod sa Republic Act 9003 o ang tinatawag na Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Nagbanta ang National Solid Waste Commission na idedemanda nila ang lahat ng local government units na hindi susunod sa naturang batas dahil natuklasan pinagmumulan ng lason ang katas ng mga basura na simpleng itinatapon o tinatabunan lamang ng lupa.
Pinakamalaking dumpsite dito ay ang Rodriguez (Montalban) landfill sa lalawigan ng Rizal na pinagtatambakan ng 5,000 toneladang basura araw-araw.
Kumakatas dito ang mistulang ilog na kasinlaki ng 28 Olympic-sized swimming pool na inaagusan ng likido ng nakamamatay na kemikal mula sa nabubulok na basura kung saan maaring mahigop ng tubig na iniinom ng mga mamamayan sa Kamaynilaan.
Sa nakatakdang pagsasarado naman ng Rodriguez landfill, walang duda na biglang babaho ang Kamaynilaan partikular ang mga lungsod at bayan na walang naipagawang sanitary o closed o controlled dumpsite kung saan ipinproseso o inihihiwalay ang mga nabubulok at hindi nabubulok na mga basura.
Sa ngayon, iilan lamang ang bayan at siyudad ang umalinsunod sa RA 9003.
Iyan ang malaking problema—kung hindi matepok ang Pinoy sa lason mula sa basura, makukunsume hanggang atakehin naman tayo sa puso dahil MABAHONG BASURA sa gitna ng lansangan.
Iyan ang PINAKAMABAHONG isyu ngayon, Tsong!
----30--

0 Comments:

Post a Comment

<< Home