Sunday, March 25, 2012

GRADUATION: LIKO-LIKONG NG DAAN

MATATAPOS na ang buwan ng Marso.
Madaming estudyante ang magtatapos sa pag-aaral.
Isa ito sa mga okasyon na pinakamasaya para sa kanila at makakahinga na nang maluwag ang mga magulang.
Iba’t ibang mga pangyayari ang pinagdadaanan ng mga estudyante bago marating ito. Mula sa mga assignments, projects, kung anu-anong requirements na minsan ay hindi na nila maintindihan, mga bayarin, mga gabing walang tulog matapos lamang ang mga gawain, sermon mula sa professors, sermon mula sa magulang dahil sa pag-uwi nang late.
Mga pagbubulakbol, kukulangin sa pera dahil sa dami ng gastusin. Kaya minsan ay nanghihingi nang sobra sa magulang, papatungan ang tunay na halaga ng babayarin para may panglakwatsa.
Napaluha ang mga magulang at maging ang estudyante dahil sa inakala nilang hindi na nila kaya at gusto nang sumuko lalo habang inaasikaso ang retititos sa thesis, away sa pagitan ng mga kaklase habang gumagawa ng projects, paghahabol sa mga professors dahil bagsak sa ganitong subject , incomplete at madami pang iba.
Pero ang mahalaga, nalampasan nila ito lahat ng pagsubok at paghamon--sapagkat walang bagay na basta-basta makukuha nang magaan at madalian.
Ang lahat ay pinaghihirapan at kapag nalagpasan mo na ang lahat ng paghihirap tiyak na maglalaho ang lahat ng ito hapis at pighati-- kapag nakita mo na ang resulta ng pinagtuunan mo ng iyong pagod at panahon—DIPLOMA sa graduation rites!
Nakalakip sa buhay-estudyante ang makadurog damdaming pagsisikap.
Masaya ka dahil makakakilala ka ng mga bagong kaibigan at may natututunan ka na mga bagay na dadalhin mo habang buhay.
May takot at pangamba ka kapag nagkabulilyaso sa mga subjects mo at hindi mo alam kung paano ito malalagpasan.
Mararanasan mo din ang magalit sa mga kaklase o kaya mismong professors mo. Halo-halong emosyon,-- tuwa, galit, lungkot, inggit, hinagpis at pang-unawa ngunit sa bandang huli kapag alam mo na nagsikap ka, binigay mo ang lahat ng makakaya at hindi ka nakakalimot sa Kanya, mararating mo ang tagumpay.
Para sa mga magtatapos, hindi ito ang WAKAS ng labanan bagkus ito ang simula ng tunay na tunggalian sa hamon ng buhay.
Kung nakapagtapos ka taglay ang maraming medalya, gawin mo itong gabay at inspirasyon, sapagkat ang pakikipaglaban ay HINDI kung ANO ANG NAKAMIT mo, bagkus ay kung PAANO mo ito diniskartehan at sinikap na maabot.
Isang MALIGAYANG PAGBATI sa lahat ng magsisipagtapos, MABUHAY!
(EDITORIAL, , Bulgar newspaper, March 26, 2012 issue.UNEDITED. CC. Bistado.blogspot.com/ editorsdiary.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home