Thursday, March 15, 2012

VAT LEGACY: CGMA, MY BELOVED NI PNOY

SA gitna ng kaliwa’t kanang protesta, ipinagdiinan ng gobyerno na hindi nila mapipigil ang paglobo ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Kasi’y hindi nila kontrolado ang takbo ng merkado.
Pero, alam naman ng marami na kontrolado nila ang IPINAPATAW na value-added tax sa langis.
Ibig sabihin, kung gugustuhin na gobyerno na ibaba ang presyo ng langis, maaaring pansamantalang isuspinde nila ang PATONG NA BUWIS sa binibiling langis ng konsiyumer sa Pilipinas.
Maaaring ayaw lang talaga nilang bawasan ang presyo ng langis kasi’y mababawasan din ang KINIKITA ng gobyerno.
Kung ang LAHAT ng ITINALAGA ni dating Pangulong CGMA ay masama at dapat tanggalin tulad sa ginagawa kay Chief Justice Renato Corona, dapat ay tanggalin din nila ang DAGDAG NA 12 PERCENT VAT—na si Ate Glo ang nagdikta at nagsabatas.
Ibig sabihin, pinasan at binalikat ni Ate Glo ang GALIT at pagkamuhi ng 90 milyong Pinoy nang pagtibayin ang dagdag-patong sa VAT sa petrolyo pero ang nakikinabang ditto ngayon ay ang ADMINISTRASYONG AQUINO.
Bumaho ang pangalan ni Ate Glo dahil sa 12 percent VAT, maging si Senador Ralph Recto ay nabigo sa pagkasenador sa 2007 senatorial election sapagkat siya ang NAGSAKRIPISYO na umakda ng batas na PINAKIKINABANGAN ngayon ng administrasyon ni PNoy.
Kung magpapakatotoo si PNOY na ang lahat ng ginawa ni ATE GLO—ay masama at kasumpa-sumpa, dapat niyang IUTOS agad ang pagtanggal sa VAT sa langis sa lalong madaling panahon o suspendehin ito kahit sa ilang panahon upang maibsan ang hirap ng mga mamamayan.
Kapag nagmatigas ang Malacanang na manatili ang 12 percent VAT sa petrolyo—kumpirmasyon ito ng PAMBOBOLA at PROPAGANDA na MASAMA ang administrasyon ni CGMA at iba pang administrasyong nagdaan.
Ang eksena at sitwasyon ito—ay mabibisto kung sino ang tunay na IPOKRITO o tunay na NAMBOBOLA lamang gamit ang PROPAGANDA.
Ang sobrang VAT sa langis ay isang MARKA ni Ate Glo—na idinedepensa ngayon ni PNoy bilang isang MABUTING BATAS sa panahon ng nagdaang administrasyon—taliwas sa nilalaman ng kanyang mga TALUMPATI at PABALITA na napakasama ng nakakalabosong dating lider ng bansa.
(EDITORIAL, Bulgar newspaper, March 16, 2012, UNEDITED. Cc. editorsdiary.blogspot.com/ bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745).

0 Comments:

Post a Comment

<< Home