Tuesday, April 10, 2012

HAMPAS SA LANGAW, LATAY SA KALABAW

INAMIN ni Senate president at presiding juror ng impeachment body na si Juan Ponce Enrile na may negatibong epekto ang paglilitis kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Kinumpirma niya na nakatengga ang mas mahahalagang panukalang-batas na hindi na nagagawang talakayin sa sesyon ng mga senador.
Ang mas mabigat ditto ay kapag naabsuelto si Corona kung saan lilitaw na nag-aksaya lang ng panahon at pinerhuwisyo lamang ng mga promotor o ng mga kritiko ng punong mahistrado ang buong operasyon ng gobyerno.
Apektado kasi nito hindi lang ang Kongreso kundi maging ang buong hudikatura at siyempre ang utak ng reklamo na sangay ng ehekutibo.
Ibig sabihin, sa bandang huli, maghahanap ng masisisi ang publiko at hindi maiiwasang maituro ang mismong nagpasimuno at padrino ng impeachment complaint.
Sakali namang mahatulan nang “guilty” si Corona, ang aani ng papuri ay ang mismo ring kaaway niyang mortal sa Malacanang.
Sa madaling salita, ang nakasalang at ang mismong nililitis ay hindi mismo si Corona kundi mismo si PNoy.
Hindi rin totoo na ang hatol kay Corona at hatol kay Ate Glo, mas angkop na sabihin ngayon na ang HUSGA sa punong mahistrado at siya ring hatol sa punong ehekutibo.
Kumbaga sa Tagalog, ang HAMPAS sa LANGAW—ay LATAY sa KALABAW.
Ang HAPLOS sa PUSA ay PARUSA sa DAGA.
(EDITORIA, Bulgar newspaper, April 11, 2012 issue. Unedited. Cc.bistado.blogspot.com/ bistadokamao@yahoo.com/ 09297740745)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home