Tuesday, July 17, 2012

Koalisyon ng mga plastik



NAKAKATAWA ang mga politiko.
Nagugutom ang ordinaryong Pinoy pero ang pinag-uusapan ay ang walang kabuluhang koalisyon.
Simple lang naman ang ibig sabihin ng koalisyon ng mga partido.
Ito ay pansamantalang pagsososyo sa iisang pangalan ng mga plastik na lider ng lipunan.
Kasi’y magpaplastikan lang ang mga kolokoy kasabay ng talumpati sa ibabaw ng plataporma na akala mo’y sila ay mga Diyos na kayang solusyunan ang problema ng bansa at 90 milyong Pinoy.
Naunang nakabuo kasi ng koalisyon ang “riding in tandem” nina Pareng Erap at Bise Binay.
Pero, ngayon inuupakan ng dueto ang koalisyon naman ng Bagong Hari ng Komedya na si PNoy kung saan pagsasanibin ang LP, NP at NPC.
Sumingit naman agad ang anak ni Pareng Erap na si Cong. JV kung saan puwede raw bumuo ng SUPER-COALITION ang LP-NP-NPC at PMP-PDP-LABAN.
Hindi ba’t katawa-tawa ang lahat ng yan!
Humahalakhak ang lahat sa gitna ng pagkalam ng sikmura ng ordinaryong mamamayan.
Hindi na sila NATUTO sa kasaysayan partikular sa huling presidential election noong 2010.
Hindi ba ilang buwan bago maghalalan ay  No. 1 sa survey noon si Bise Presidente Noli de Castro? Pero kahit No. 1 siya, walang partido na kumuha sa kanyang serbisyo—wala siyang NAPEKE o napaniwala.
Sumunod na nag-agawan sa No. 1 at No. 2 sa survey ay si Sen. Manny Villar, Erap at sumisingit pa si Mar Roxas.
Sa panahon iyon, ONE-YEAR before election, NI HINDI binabanggit sa survey at usapan ang UNICO-HIJO ng may-sakit na si Tita Cory.
Nang mamatay si Tita Cory—gumuhong parang bula ang PANGARAP nina Villar, Roxas, De Castro at Erap!
Walang kahirap-hirap; walang ka-effort-effort; wala ring sariling resources; at kahit walang QUALIFICATION---biglang naging No. 1 si PNoy sa survey ; at tulad sa  inaasahan, siya ang naka-JACKPOT sa presidential derby.
Ang lahat ng effort at pabalita ngayon  ng dalawang nagbubungguang koalisyon—ay MABABALEWALA lahat.
Kasi’y hindi malayong may SUMULPOT na mga bagong PANGALAN—na parang ipo-ipo at kidlat—na IEENDORSO ng ordinaryong mamamayan.
Yan ang ating abangan:  BULALAKAW mula sa KAHILAGAAN!!
EDITORIAL ni Ka Ambo, Bulgar newspaper, July 18, 2012 issue, UNEDITED. Cc: bistado.blogspot.com/  @bistadoniambo on twitter/  bistadokamao@yahoo.com/ 09173525272) .

0 Comments:

Post a Comment

<< Home