PHL: A TIGER OR A CROCODILE?
MALAPIT na raw maging Tiger
Economy ang kalakalan sa Pilipinas tulad sa Singapore .
Pero, hanggang ngayon, ang
ekonomiya ng bansa ay matatag hindi dahil sa industriyalisasyon bagkus ay dahil
sa DOLLAR REMITTANCES ng mahigit 10 milyong overseas Pinoy.
Nakapagtataka namang hindi
iniaayos ng gobyerno ang pangangailangan ng mga overseas Pinoy partikular ang
PALPAK na pasaporte na madaling mapeke.
Pinagdududahan kasi ang
proseso na ipinatupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagpili ng kontraktor
sa paggawa ng pasaporte.
Iginawad kasi ito sa
kaduda-dudang kompanya na naka-base sa French kung saan pinapasan ng gobyerno
ang malaking halaga sa gastusin taliwas sa naunang sistema na pinapasan ng
PRIBADONG KOMPANYA ang lahat ng gugulin dito.
Kumbaga, imbes na makatipid
ang gobyerno ay nagpaluwal pa ito ng malaking halaga.
Okey lang sana kung mapagkakatiwalaan na MAAYOS ang
trabaho pero sa aktuwal ay palpak din ang performance at kalidad ng kanilang
produkto at serbisyo.
Natatandaan ba ninyo ang
kontrobersiyal na “ARROVO” bills, ito po ang produkto ng “Oberthur
Technologies” na siyang kinukuwestiyun ngayon.
Imbes Gloria Macapagal Arroyo
ay naging “Gloria Macapagal ARROVO” ang nakamarka sa P100 bills.
Pinasan ng gobyerno ang
GUGULIN sa TEKNIKAL na pagkakamaling ito ng kontraktor pero nakapagtatakang
sila pa rin ang nakakorner ng kontrata.
Hanggang ngayon, hindi pa rin
nareresolba ang reklamo na isinampa laban sa naturang kontraktor na kokorner ng
may P857 milyong proyekto para gumawa ng
e-Passport at iba pang dokumento at nasa
tanggapan ng Ombudsman , RTC at maging sa Kongreso.
Kasi’y idinadawit din ang
naturang kontratista na nakabase sa France sa $34 million graft case sa Kenya .
Kung ang simpleng PASAPORTE
na mahalagang GAMIT ng 10 milyong overseas Pinoy ay hindi maiayos ng gobyerno,
paano makakausad tungo sa pag-unlad ang ating bansa?
Malinaw na pambobola lang ang
pagiging FUTURE TIGER ECONOMY ng Pilipinas , kasi’y paano magiging TIGRE ang isang
gobyernong pugad ng mga DAMBUHALANG
BUWAYA?
(EDITORIAL NI KA AMBO, Bulgar newspaper,
July 3, 2012 issue, UNEDITED. Cc. bistado.blogspot.com/ @bistadoniambo on
twitter/ bistadokamao@yahoo.com/ 09173525272)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home